ni Anthony E. Servinio @Sports | Dec. 11, 2024
Photo: Chandler McDaniel - Philippine Women's National Football Team, FB
Sumipa ng nag-iisang goal si Chandler McDaniel sa pangalawang minuto upang ihatid sa Stallion Laguna FC ang 2024 PFF Women’s Cup handog ng Coca-Cola laban sa Kaya FC Iloilo, 1-0, Lunes ng gabi sa Rizal Memorial Stadium.
Nakumpleto ang pagbawi ng mga bagong reyna mula sa 2023 PFF Women’s League kung saan wala silang ipinanalo sa siyam na laro. Nararapat lang na si McDaniel ang napiling Most Valuable Player. Naagaw niya ang bola at pinalipad ito mula 90 talampakan lampas sa tumalon na Kaya goalkeeper Inna Palacios.
Nag-uwi rin ng karangalan ang kanyang kakampi at ate Olivia McDaniel na Best Goalkeeper at Best Midfielder Katrina Wetherell. Napunta sa Kaya ang Best Scorer Julissa Cisneros sa kanyang kabuuang 11 goal at Best Defender Hali Long habang iginawad sa Tuloy FC ang Fair Play Award.
Nakamit ng Manila Digger FC ang pangatlong puwesto. Tumakbo ng isang buwan ang palaro tampok ang mga bituin ng Philippine Women’s National Team na ibinahagi sa anim na koponan.
Samantala, nabunot sa maituturing na “magaan” na Grupo A ang Philippine Men’s Football National Team para sa 2027 AFC Asian Cup Qualifiers Round 3 sa susunod na Marso. Makakaharap ng mga Pinoy Booters ang Tajikistan, Maldives at Timor Leste para sa isang tiket patungong torneo sa Saudi Arabia.
Iikot ang mga laro sa mga bansa at may tig-anim ang bawat koponan. Ang mga petsa ng mga laro sa Pilipinas ay Tajikistan (Hunyo 10), Timor Leste (Oktubre 14) at Maldives (Nobyembre 18) at dadalaw sa Maldives (Marso 25), Timor Leste (Oktubre 9) at Tajikistan (Marso 31, 2026). Matatandaan na nagwagi ang Pilipinas kontra Tajikistan, 2-1, sa Rizal Memorial noong Marso 27, 2018.
Comments