ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 23, 2021
Nabakunahan na ng AstraZeneca COVID-19 vaccine si Pasig City Mayor Vico Sotto noong Sabado. Ipinost ni Sotto sa Facebook ang larawan niya habang binabakunahan at aniya ay pang- 57,858 Pasigueño na siyang nabakunahan.
Saad pa ni Sotto, “Ilang linggo na rin akong kinukulit ng Vaccination Team natin na magpabakuna na. Nasa kategoryang A1 ang mga mayor. Gusto ko naman talagang magpabakuna, pero lagi kong naiisip na may mga mas dapat unahin na high risk, katulad ng seniors... pero napagtanto ko na ang pagbabakuna ay hindi lang para sa sarili ko, kundi para sa lahat ng nakakasalamuha ko... kahit na nag-iingat ako at umiiwas ako sa physical contact, hindi pa rin maiiwasan ang makipag-meeting at bumaba sa ground para sa trabaho.”
Hindi na siya umano nakihati pa sa mga may nais maturukan ng Pfizer kaya AstraZeneca ang ginamit sa kanya. Saad pa ni Vico, “Para po sa mga magtatanong, AstraZeneca po ang ginamit sa 'kin.. hindi na ako nakihati sa dami ng humihingi ng Pfizer - bakit pa?? Eh, ganu’n din naman ‘yun... Lahat ng aprubadong brand, nasa 100% ang proteksiyon sa severe at bumababa ang tsansa na makapanghawa kung magkasakit man ang nabakunahan na.”
Ayon din kay Sotto, limitado pa sa ngayon ang suplay ng bakuna kasabay ng panawagan niya sa publiko na ihanda ang mga sarili para makapagpabakuna kapag dumami na ang suplay sa susunod na mga buwan.
Aniya pa, “Limitado pa rin po ang supply pero inaasahan natin, dadami na ito sa susunod na mga buwan. Kaya habang naghihintay, ihanda na natin ang mga sarili natin. Makinig sa eksperto at 'wag sa forwarded message sa Viber. Tandaan natin, hindi lang ito para sa mga sarili natin, kundi para sa ating lahat.”
Comments