ni Thea Janica Teh | November 16, 2020
Nagsalita na si Tuguegarao Mayor Jefferson Soriano ngayong Lunes tungkol sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan sa Batangas kasama ang pamilya habang hinahagupit ng Bagyong Ulysses ang kanilang lugar.
Ayon kay Soriano, sakto lamang ang kanyang dating sa probinsiya upang magsagawa ng rescue operation.
Aniya, "Ang protocol po ru'n, kung under storm signal, ‘di po kami aalis. Sinunod ko po ang protocol ng local government code na magpaalam ka kung aalis ka and everything."
Dagdag pa nito, noong na-monitor nito na tumataas na ang tubig sa Bunton Bridge na kanilang pinaka-barometer, nagpasya na itong umuwi noong Nobyembre 12.
Ngunit, hindi ito makauwi dahil baha sa NLEX at sa iba pang madaraanan, kaya naman nakauwi lamang siya nu'ng Biyernes nang umaga.
"I left Manila nu'ng November 13 nang umaga, alas-tres (ng madaling-araw). I reached Tuguegarao in the afternoon in time for rescue kasi 'yun na ang kasagsagan ng flooding dito sa Tuguegarao. Humihingi ako ng dispensa sa problema na 'yun," kuwento ni Soriano.
Sa ngayon ay kinakailangan ng mga residente ng Tuguegarao ng malinis na maiinom at makakain. Tinatayang nasa 34,000 pamilya o 118,000 indibidwal ang naapektuhan ng mabilisang pagbaha.
Comments