ni Thea Janica Teh | August 23, 2020
Inanunsiyo ni Mauban Mayor Marita Llamas na siya ay nagpositibo sa COVID-19 at patuloy na tumataas ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Quezon.
Sa inilabas na pahayag ni Llamas, sinabi nito na walang dapat ipag-alala ang kaniyang mga kababayan dahil maayos umano ang kaniyang kalagayan at wala itong nararamdamang sintomas. Siya ay kasalukyang sumasailalim sa home quarantine.
Isa ang bayan ng Mauban sa may pinakamaraming naitalang kaso ng COVID-19 sa Quezon at karamihan dito ay mga kawani ng pamahalaang lokal.
May kabuuan ng 91 kaso ng COVID-19 ayon sa huling tala ng Integrated Provincial Health Office sa Mauban at 54 rito ang gumaling na. Wala namang naiulat na namatay sa bayan.
Samantala, nangunguna pa rin sa pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa Quezon ang bayan ng Candelaria. Ito ay umabot na sa 66, pumangalawa rito ang Lucena City sa 56, Calauag sa 43 at Mauban sa 37.
Comments