ni Lolet Abania | September 6, 2020
Pumanaw na si Mayor Marlon Garcia, alkalde ng Barili sa lalawigan ng Cebu at nakababatang kapatid ni Governor Gwendolyn Garcia, ngayong araw, September 6.
Ito ang kinumpirma sa Facebook post ng kapatid nitong si Winston Garcia. “To lose one brother is painful enough, but to lose another brother in the same week, my heart just can not take any further. The true fighter that he was, my brother, Marlon has been fighting for his life for the last few weeks," sabi ni Winston.
"This morning, he joins my brother, Nelson, and my mother in heaven," sabi pa nito.
Gayunman, wala namang nabanggit na sanhi ng pagkamatay ng mayor. Subali't, noong August 2, ipinahayag ni Cebu Gov. Garcia na ang kapatid na alkalde ay nagpositibo sa test sa COVID-19.
Si Mayor Marlon Garcia ang pangalawang anak mula sa kilalang Garcia political dynasty ng Cebu. Naihalal siyang mayor ng 2nd class municipality noong 2016 at muling nanalo sa reelection noong 2019.
Samantala, noong September 1, namatay ang dating mayor ng Dumanjog na si Nelson Garcia na kapatid ni Mayor Marlon. Gayundin, walang opisyal na pahayag ang Cebu Provincial Public Information Office tungkol sa dahilan ng pagkamatay nito.
Comentarios