ni Jasmin Joy Evangelista | December 4, 2021
Pinuri ni presidential aspirant Mayor Isko Moreno si Pangulong Duterte at ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa ginawang pagtugon sa COVID-19 pandemic sa bansa.
Aniya, kapuri-puri ang isinagawang three-day vaccination drive ng pamahalaan laban sa COVID-19.
"Pangamba at takot sa impeksyon, pangamba at takot sa hanapbuhay, dahil dito, nagdulot ito ng konting pagkakalito. But life must go on. We give credit where credit is due,” ani Moreno.
“Totoo naman kapuri-puri 'yung ginawa ni Pangulong Duterte at ng IATF, kung saan 'yung mga lokal na pamahalaan na nabakunahan na namin. Lahat tumulong naman sa probinsya, which ginawa namin,” dagdag niya.
Ayon pa kay Moreno, hindi perpekto ang administrasyong Duterte pero nakikinig umano ang pangulo sa mga tao tulad na lamang ng pagpabor nito na ‘wag nang gawing mandatory ang pagsusuot ng face shield.
“May mga bagay na 'di perpekto. Pero as long as nakikinig 'yung leader doon sa talbog o pagkakadapa ng kanyang mga tao at ikino-correct naman niya, that’s what you call learning the lesson and moving forward,” paliwanag niya.
“Tulad halimbawa 'yung sa face shield, in-argue ko 'yung isang ahensya ng gobyerno pero nakita mo naman dininig ni President Duterte 'yung request ng taumbayan. Ako, in-echo ko lang naman,” dagdag ng alkalde.
Comentários