ni Lolet Abania | August 3, 2021
Opisyal na nagbitiw sa puwesto si Mayor Walter D. Echevarria, Jr. ng General Mariano Alvarez, Cavite dahil umano sa kanyang kalusugan. “Nais kong ipaalam sa inyong lahat na simula sa araw na ito (Agosto 3), akin pong binibitawan ang aking puwesto sa pagka-alkalde ng bayan ng Gen. Mariano Alvarez.
Buhat ng pagbabago sa aking kalusugan, ako po ay lubos na nagpapakumbabang iwan ang aking puwesto upang kayo po ay mapaglingkuran ng mas tapat at nararapat,” ani Echevarria sa isang statement sa Facebook.
Ayon kay Echevarria, kinakailangan ng kanilang bayan ng isang lider na kayang mamuno sa kabila ng COVID-19 pandemic. Hinimok naman ni Echevarria ang kanyang mga kababayan na patuloy na suportahan ang mga proyekto at programa ng lokal na pamahalaan at naniniwala siyang ang papalit na mayor ay maipagpapatuloy na gawin ang kanyang mga naiwang tungkulin.
Nagsimula si Echevarria na maglingkod sa gobyerno bilang barangay secretary ng Area J noong 1972. Sumunod siyang nagsilbi bilang councilor ng bayan sa loob ng 6 na taon at naging vice-mayor ng 3 taon. Naging mayor naman siya mula 2001 hanggang 2010 at reelected noong 2013.
Σχόλια