ni Mary Gutierrez Almirañez | March 28, 2021
Binati ni Bise-Presidente Leni Robredo si Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-76 na kaarawan nito sa kanyang programa sa radyo ngayong araw, Marso 28.
Ayon kay VP Leni, “Baka makalimutan natin, birthday ni Pangulo ngayon. So, happy birthday po." Hiniling din niya ang malusog na pangangatawan para sa Pangulo sa kabila ng ilang beses na pambabara at panonopla sa kanya nito.
“Parati ko namang sinasabi na lagi siyang damay sa dasal natin. Guidance at wisdom. Kasi ‘yung pagdedesisyon para sa bansa ay hindi basta-basta. At sa panahon ngayon, siguro, good health,” dagdag ni VP Leni.
Kabilang din sa mga bumati sa Pangulo ay si Presidential Spokesperson Harry Roque, “Pagpalain kayo ng Dakilang Lumikha. Maligayang kaarawan, mahal na Pangulo!" Pangalawang taon nang nagdiriwang ng kaarawan si Pangulong Duterte habang naka-quarantine ang bansa dahil sa COVID-19. Ang tanging hiling lamang niya aniya ay matapos na ang pandemya upang makabalik na sa normal ang mga Pilipino.
Sabi pa ni Roque, “I’m sure the President wishes an end to this pandemic at nais po niya, lahat tayo, makabalik po sa buhay natin na normal… Ibig sabihin, babalik tayo roon sa napakataas na ating growth rate taun-taon, because ang kanyang pangako ay mas komportableng buhay para sa lahat.”
Sa ngayon ay nasa Davao ang Pangulo at bukas ay inaasahang babalik siya sa Maynila upang salubungin ang pagdating ng 1 million doses ng Sinovac COVID-19 vaccines galing China.
تعليقات