ni Gerard Peter - @Sports | July 01, 2021
Mayroong maliit na pagkakataon na hindi lamang si four-time Southeast Asian Games gold medalist Kiyomi Watanabe ang babandera sa national judo team sa darating na 2020+1 Tokyo Olympics, bagkus ay isa pang judoka ang maaring mabigyan ng tsansa kung papalarin sa panahon ng pandemic.
Inamin ni Philippine Judo Federation (PJF) president David Carter na mayroon pang natitirang tsansa na makasingit pa ang isa pang SEA Games medalist sa katauhan ni men’s under-73kgs lightweight Keisei Nakano na nasa malayong 78th place sa Olympic ranking, kung may ilang mga judo players ang maisipang hindi na tumuloy dahil sa lumalalang kaso ng Covid-19 sa buong mundo dahil sa mga bagong variants gaya ng Delta at Delta plus.
“That is true. There is still very slim chance na mag-qualify si Keisei. We can’t really say. Yung iba very far sa kanila, pero they qualified,” pahayag ni Carter, Martes ng umaga sa weekly PSA Forum webcast. “Baka may mga manlalaro na mag-beg off because of the current situation of Covid. )If ever it turns that way) mapupunta yung unused quota na tinatawag (kay Keisei),” dagdag ni Carter.
Ang naturang puwesto ng 24-anyos na Filipino-Japanese ay maaaring bumaba pa kung tatanggalin ang may dobleng bansa sa rankings, dahil tanging isang bansa lamang ang magrere-prisinta kada weight division.
May ilang judoka aniya sa ibang bansa ang nakatanggap ng Continental Quota gaya ng nakuha ng 24-anyos na 2018 Jakarta-Palembang Asian Games silver medalist na si Watanabe, na lagpas pa sa kasalukuyang pwesto ni Keisei. Ito ay sina Younis Eyal Slman ng Jordan na may Asian Continental Quota na nasa 95th place at Lucas Diallo ng Burkina Faso ng African CQ na lumapag naman sa 110.
Maaaring maihalintulad umano ang tsansa ni Keisei sa sitwasyon ng kanyang nakatatandang kapatid na si Kodo Nakano, na nakapasok sa 2016 Rio Olympics sa pamamagitan ng wild card entry matapos umatras ang isang judoka sa ibang bansa para makapaglaro ito sa men’s half-middleweight category. “That’s one hope na mayroong umatras,” sambit ni Carter.
Comentários