top of page
Search
BULGAR

May timbang na 328 at 337 kgs... “World's Heaviest Twins” na wrestlers at performers, kilalanin

ni Jenny Rose Albason @Gulat Ka 'No?! | August 27, 2023



Sapat ang kinakain pero patuloy pa rin sa pagtaba?


Ang aking ibabahaging kuwento ay tungkol sa kambal na kahit anong pagpapapayat ang gawin ay mas lalo silang lumalaki.


Ang aking tinutukoy ay sina Billy Leon at Benny Loyd McCrary.


Si Billy ay may timbang na 337 kgs. habang si Benny naman ay 328 kgs. na naging dahilan kung bakit sila tinaguriang "World’s Heaviest Twins".


Ang kambal ay ipinanganak na premature noong Disyembre 7, 1946 na may timbang na 2.2 kgs.

Gayunman, nagsimula silang mas lumaki sa edad na 4.


Sa kabila ng kanilang hindi pangkaraniwang timbang, maniniwala ba kayong hindi ito dahil sa labis na pagkain? Ito ay matapos silang magkaroon ng rubella na sumisira ng pituitary glands, ang bahagi ng utak na kumokontrol sa paglaki.


Ang kanilang magulang ay gumawa ng paraan upang maresolba ang problema ng kambal sa pamamagitan ng pagbili ng sakahan, umaasa na ang pagdagdag ng physical activity ay makakatulong upang mabawasan ang timbang ng kanilang mga anak.


Nagpatuloy sila sa pagtatrabaho sa bukid ng kanilang ama, gamit ang mga mini bike para matapos ang kanilang mga gawain.


Bagama’t tutol ang mga magulang nina Billy at Benny sa kanilang mga ginagawa, nagpasya ang kambal na sulitin ang kanilang sitwasyon sa pamamagitan ng pagiging performers.


Nagsimulang makatanggap sina Billy at Benny ng iba’t ibang alok sa show business, at sa loob ng ilang linggo ay nagsagawa sila ng night club act sa isang casino sa Las Vegas.


Noong taong 1970, itinampok sa Guinness Book of Records ang kambal na nagtulak sa kanila sa international fame.


Ginawa ng kambal ang kanilang mga professional wrestling debut, at makalipas ang 5 taon ay nagpahinga sila dahil si Billy ay nagkaroon ng severe case ng pneumonia.


Noong Hulyo 1979, sa edad na 32, si Billy ay namatay matapos na magtamo ng mga injuries sa botched stunt sa Niagara Falls, Canada.


Kasunod ng pagkamatay ni Billy, sinubukan ni Benny na ipagpatuloy ang pakikipag-wrestling, kasama ang kanyang partner na si Andre the Giant.


Kalaunan ay nawala ang cartilage sa tuhod ni Benny at siya ay namatay dahil sa heart failure noong 2001, sa edad na 54.


Sina Benny at Billy ay inilibing nang magkatabi sa Crab Creek Baptist Church Cemetery malapit sa Hendersonville.


Ang kanilang 13-ft-wide na lapida, na nagtatampok ng mga motorsiklo ng Honda, at may nakasulat na “The World’s Largest Twins”.


Nakakatuwa ang kanilang bonding, hindi naging hadlang ang kanilang timbang sa mga gusto nilang gawin sa kanilang buhay.


Kahit hindi pangkaraniwan ang kanilang timbang ay nagagawa pa rin nilang magmotor, makipag-wrestling at mag-perform sa harap ng maraming tao.


Kaya mga ka-BULGAR, anuman ang ating hitsura, timbang, o kondisyon sa buhay ay ipagpatuloy pa rin nating gawin kung ano ang makakapagpasaya sa atin. Magsilbi sanang inspirasyon sina Billy at Benny sa ating lahat.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page