ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 15, 2021
Ngayong nag-aabang na tayong lahat sa pagdating ng COVID-19 vaccines ngayong Pebrero, mukhang wala pang linaw sa kung paano masisigurong may sapat na imbakan para mapanatiling ligtas at epektibo ang mga ito.
Kasabay ng pagdating ng mga bakuna ang kautusan ng Department of Agriculture na triplehin ang importasyon ng karneng baboy bilang solusyon sa shortage daw ng supply bunsod ng ASF (African Swine Fever).
Hindi malinaw kung gagamitin ng pamahalaan ang mga pasilidad ng Cold Chain Association of the Philippines (CCAP), ang multi-sectoral group na siyang humahawak sa storage at distribution ng mga imported na chilled at frozen food products.
Sa hearing sa Senado noong January 15, nagpahayag ang CCAP ng kahandaan kung sakaling magdesisyon ang gobyerno na gamitin ang kanilang serbisyo. Pero sinabi ng Department of Health na sila ay direktang nakikipag-usap sa mga pharma-grade service providers dahil sa lubhang sensitibo ang mga bakuna sa handling at temperatura.
Ayon sa CCAP, inilalagay nila ngayon sa 70% ang kanilang operating capacity mula sa kabuuang 400,000 metric tons full capacity.
Kahit tumaas ang kapasidad ng 10% to 15% o mahigit kumulang 40,000 metric tons, ayon sa planong inilahad noong Disyembre, maaaring magkulang pa rin ito para sa tripleng minimum access volume (MAV) na 162,000 metriko tonelada. Malamang marami ang mahihikayat na mag-angkat ng karneng baboy dahil sa diskwento sa buwis.
IMEESolusyon naman d'yan, eh, gamitin na ang emergency budget na P24 billion na inilaan sa Bayanihan 2 para sa Department of Agriculture. May kapasidad silang tulungan ang mga hog raisers sa transportasyon ng mga baboy galing Visayas at Mindanao para madagdagan ang supply at mapababa ang presyo sa Metro Manila.
In fairness, ginagawa na ito ng DA nitong mga nakaraang araw. Sana lang ay magresulra ito sa mababang presyo ng baboy kahit wala ng price ceiling.
Dapat din bigyan ng DA ang mga magbababoy ng mga testing kits para sa lumalaganap pa ring ASF para agarang maisalba ang mga baboy na hindi pa nahahawa sa sakit.
Magdesisyon na rin ang gobyerno kung gagamitin ang CCAP para sa storage ng mga bakuna at kung kaya ng CCAP na gawing pharma-grade ang mga pasilidad nila.
Kasabay dito ang paglatag ng malinaw na sistema sa paglalagyan ng mga bakuna mula sa airport, sa pag-iimbakan nito hanggang sa makarating sa mga LGUs at sa mga liblib na pook sa ating bansa.
Huwag nang magpatumpik-tumpik pa. Iwas na tayo sa huli man at magaling, huli pa rin, at baka mauwi tayo sa sirang mga karne at sirang mga bakuna, ‘wag naman sana!
Comentários