ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 16, 2021
Kamakailan ay isinumite ng inyong lingkod ang Senate Bill 911 dahil sa hiling ng marami nating kababayan na panahon na umano para magkaroon ng maayos na information and communications technology infrastructure sa ating bansa.
Dahil dito ay dumalo tayo sa isinagawang webinar sa Senado hinggil sa “Open Access in Data Transmission Act” na inorganisa ng Senate Economic Planning Office at nilahukan ng independent ICT policy researcher at kapwa natin public servants.
Bilang isa sa mga may akda ng Open Access in Data Transmission Act ay tinutukan nating mabuti ang pakikinig sa ginanap na talakayan at naramdaman natin ang pagnanasa ng marami nating kababayan na maisaayos na ang lahat hinggil dito.
Nitong nakaraang araw ay kinatigan ng ilang kongresista ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang kukumpiskahin ang mga airwave at linya ng mga higanteng telecommunications company (telcos) dahil sa palpak nilang serbisyo.
Kung inyong matatandaan na sa pinakahuling State-of-the-Nation Address ng Pangulo ay binigyan niya ng taning ang Globe at PLDT-Smart ng hanggang Disyembre pa noong nakaraang taon, ngunit hanggang sa ngayon ay tila hindi natitinag ang mga telcos.
Isang malinaw na pang-aabuso na ang dinaranas ng ating mga kababayan sa mga kamay ng mga telcos na labis-labis ang paniningil kumpara sa serbisyong dapat nating tinatamasa ayon sa ating ibinabayad.
Kaugnay nito ay ilang Kongresista na ang sunud-sunod ang panawagan at direktang pinakikiusapan na ang Globe at PLDT-Smart na magkusa na silang ayusin ang kanilang serbisyo dahil kung hindi ay bubuhayin na umano ng Kamara ang imbestigasyon laban sa mga ito.
Layon umano ng ilang Kongresista na direktang marinig sa kinatawan ng mga telcos kung ano ang kanilang kongkretong plano para pagandahin ang napakapangit na serbisyo ng internet sa bansa na sobrang kailangang-kailangan na ng taumbayan.
Nakalulungkot dahil sa umabot pa tayo sa puntong itinuturing ng ‘Berdugo ng Taumbayan’ ang mga telcos na sa halip na magbigay ng karampatang serbisyo ay nananamantala pa umano sa gitna ng dinaranas nating pandemya.
Alam n’yo naman na madalas binabanggit ng Pangulo na hahabulin at sasampahan ng kaso ng pamahalaan ang mga nagsamantala sa taumbayan at kumita sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Alam ba ninyo na sa kabila na ang ating bansa ang isa sa may pinakamabagal na internet connection ay itinuturing pa rin tayong social media capital of the world dahil sa dami ng mga gumagamit nito sa ating mga kababayan?
Nagsimula ito noong 1970’s nang unang maimbento ang personal computer na agad binili ng mga nakaririwasa sa buhay at kalaunan ay nagsimula na ang pagpapadala at pagtanggap ng impormasyon ng mabilis at libre hanggang sa umunlad nang umunlad pa ang teknolohiya.
Sa ngayon ay napakalayo na ng narating ng teknolohiya dahil bitbit na natin ngayon ang ating mga smartphones, tablets na may WiFi at data connection na maaaring gamitin kahit saan.
Sa positibong aspeto nito ay malaking tulong ang patuloy na pag-unlad ng teknolohiya dahil napakadali na ng lahat ng impormasyong ating kailangan na akmang-akma sa estilo ng mabilis na pamumuhay.
Kung hindi man tayo ang nangunguna ay isa tayo sa may pinakamaraming gumagamit ng internet na nagbukas ng pintuan sa mga Pilipino, partikular sa kabataan na yakapin ang kultura ng ibang bansa, pag-iisip, idelohiya, pilosopiya at values.
Ang pagbubukas na ito ng buong mundo sa pamamagitan ng internet ay malaking impluwensiya sa kabataan dahil ginagamit na nila ang kanilang natutunan sa kanilang buhay kabilang na ang paraan sa pagtuklas ng kanilang kinabukasan.
Alam nating may kaakibat ding negatibong epekto ang internet dahil sa walang filter ang impormayon, larawan o video kabilang na ang mga malalaswang panoorin na kahit anong oras ay maaaring makita sa bitbit nating gadget kabilang na ang mga ‘fake news’.
Ibang usapin ito dahil hindi naman nagpapabaya ang pamahalaan hinggil dito, dahil bukod sa mga umiiral na batas hinggil dito ay patuloy pa rin tayo sa pagsasagawa ng mga panukalang-batas upang lalo pang mabigyang-proteksiyon ang kabatan sa paggamit ng social media.
Pero ang pagtuunan natin ng pansin ay ang mabuting maidudulot ng maayos na koneksiyon ng internet sa pang-araw-araw nating kabuhayan, lalo na sa mga negosyo at pag-aaral ng ating kabataan sa panahong ito ng pandemya.
Bilang mambabatas ay pursigido tayong maisaayos ang problemang ito dahil sa hindi maayos na serbisyo ng internet connection sa bansa at alam nating maging ang ating mga kababayan ay gigil na gigil na hinggil dito.
Kaya pati ang Kamara ay nakikuusap na sa telcos na magkusa nang ayusin ang kanilang serbisyo pero naniniwala tayong kung ‘yung banta ng Pangulo ay hindi nila pinapansin o sadyang wala na talagang igaganda pa ang napakamahal nilang serbisyo sa taumbayan!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comentários