top of page
Search
  • BULGAR

May ningning sa kabila ng dilim sa buhay

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Sep. 28, 2024



Fr. Robert Reyes

Lungkot, lumbay, dalamhati… depresyon. Sino sa atin ang hindi dumaranas ng kulimlim at dilim sa kanyang buhay? 


Noong mga panahon namin ng mga dekadang 50,60 at 70, hindi masyadong pinag-uusapan at pinoproblema ang “depression,” kahit meron nang ganito ng mga nagdaang panahon. Isa itong kondisyon ng isipan na nangangailangan ng seryosong atensyon ng mga dalubhasa tulad ng mga psychologist at psychiatrist. Kung hindi ito matuklasan at matugunan nang maaga, maaaring mauwi ito sa trahedya.


Ganito ang istorya ng maikli ngunit lubhang mabunga at makulay na buhay ni Maningning Miclat, anak nina Mario at Alma, kapatid ni Banaue. Panahon pa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos nang lumikas ng Pilipinas sina Mario at Alma. Sa Beijing, China sila nagtungo upang iwasan ang lumalalang diktadurya ni Marcos. At sa Tsina, isinilang at lumaki ang dalawang babaeng anak nina Mario at Alma. 


Doon sa matabang lupa ng nasabing bansa namulat at lumaki sina Maningning at Banaue. Nagkainteres si Maningning sa pagsusulat ng tula sa wikang Tsino. Nagsimula rin ito ng pagpipinta (Chinese painting). Inibig ni Maningning ang bansang kumalinga at nagturo sa kanya ng kanyang kamusmusan. Ginantihan niya ito ng mga tulang binubuo ng mga piling salitang bumuno ng mga malalalim na tula ng mga wikang Tsino.


Bagama’t hindi Chinese si Maningning, hindi ito nag-atubiling pumasok sa mahiwagang kuweba ng sining ng Tsino. At sa mga murang taon ng batang may dugong Pinoy, nakasalamuha at nakalaro nito ang kakaibang diwang Tsino. 


Sa paglipas ng mga taon, nang ligtas nang bumalik sa ating bansa, ang kanyang mga magulang ay kinailangang muling pumasok sa bago at kakaibang mundo, ang mundo ng lahing Pilipino. At sa mga sumunod na taon (1986-2000) mabilis na natutunan at pinagyaman ng batang makata ang dalawang wika, Filipino at Ingles. Inaral din niya ang kanluranin at katutubong sining ng pagpipinta. Hindi inaasahan ng lahat lalo na ng kanyang mga mahal na magulang at kaisa-isang kapatid ang trahedya ng kanyang biglang pagpanaw noong Setyembre 29, 2000.


Mula noon hanggang ngayon, idinaraos ng Maningning Miclat Art Foundation, Inc. ang iba’t ibang natatanging programa at pagkilala sa malikhaing kabataang 28 taon gulang noon (edad ni Maningning ng kanyang pagpanaw).


Ngunit sa taong ito, idinaos ng MMAFI ang “Ningning sa Dilim,” isang talakayan ng kaugnayan ng sining sa kalusugang pang-isip (mental health). Sa pagdiriwang, napakinggan ang mga panayam nina Yasmin Almonte, Cathy Sanchez Babao at Dr. Dinah Pacquing Nadera. Sa simula ng programa, ibinahagi natin ang sumusunod na ‘tulang panalangin,’ gamit ang pamagat na “Ningning sa Dilim.”

 

Lungkot, lumbay, dalamhati ay lahat bahagi ng kulimlim at dilim ng buhay.

Daraa’t daraan ang lahat sa mga palubog na damdaming ito. 

Marahil, ito ang naramdaman ni Maningning nang lisanin niya ang mahal niyang Tsina.

At sa kanyang bagong daigdig sa bayan ng kanyang mga magulang, 

Habang sinasalubong ang nakagawiang kulimlim at dilim, 

Buong galing at lakas sinuong ang dalawang bagong wika ng Ingles at Tagalog. 

‘Di nagtagal, buong tatas at galing tumula, hindi lang sa isa 

Kundi sa tatlong wika… Tsino, Pilipino at Ingles. 

Ganu’n din sa pagpinta, sa dating estilong Tsino at ‘di kalauna’y 

Sa bagong istilong pinag-isang kanluranin at Filipino.

Dalawang mundong nagpupumiglas, nagsusumigaw, kumakawala,

Nagtatanong, namamangha’t lumuluha.

Sa mayaman bagama’t murang kalooban ni Maningning, 

May makikinig kaya, may uunawa o maski maaawa?

Madilim, kulimlim, sana’y may taingang marinig.

Sana’y may pusong mangumusta’t kumalinga.

Meron kayang nakaririnig sa piping hikbi ng kaluluwang tigib

Sa kahapon, tinatanong ng ngayon, hinahamon at hinahatulan ng bukas?

 

Napakaraming mga kabataang dumaraan sa lungkot, lumbay at dalamhati. Napakarami ring nagsasabing, “depressed” daw sila. Huwag nating balewalain ang anumang reklamo’t parinig hinggil sa kalagayan ng kanilang isipan at kalooban. 


Napakaraming Maningning sa lipunan. Totoo at ilang taong natutulungan sila ng kanilang sining at anumang nagbibigay tatag, tibay at kabuluhan. Ngunit higit sa sining, hindi mapapalitan o matatapatan ang pakikinig, pagkalinga at pagmamahal ng sinumang malapit sa mga kabataang nagtatanong, nalulungkot, nalulumbay at nagdadalamhati.


Salamat sa Maningning Miclat Art Foundation, Inc. sa makabuluhang panayam at palitan tungkol sa sining at kalusugan ng isipan. Magandang simula ito, at sana’y maipagpatuloy.


Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page