top of page
Search
BULGAR

May ngipin na batas vs. nagpapakalat ng fake news sa COVID-19 vaccination

ni Ryan Sison - @Boses | August 26, 2021



Para malabanan ang pagkalat ng maling impormasyon laban sa national vaccination program, hinikayat ng isang medical professional ang mga mambabatas na magpasa ng batas laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa COVID-19 vaccination.


Giit ng eksperto, ang maling impormasyon ay naging dahilan ng hindi pagtanggap ng ilang Pilipino ng kanilang unang dose ng bakuna, at karamihan sa target ng impormasyong ito ay ang mga nakatatanda.


Ang panawagang ito ay matapos lumabas ng statement ng isang doktor na ang COVID-19 vaccines ay nagpo-produce diumano ng toxins sa loob ng katawan ng tao. Kaya paliwanag ng eksperto, ang mga ganitong pahayag ay tila nagsasabing walang proteksiyon na makukuha ang isang tao na nabakunahan kontra sa virus.


At sa halip na maging kakampi sa laban kontra pandemya, dagdag-problema pa ang ilan nilang kahanay. Dahil doktor din ang mga ito, ang anumang post o statement ng mga ito ay madaling pinaniniwalaan ng taumbayan. Ang ending, nalilito ang marami at aatras na lang sa pagpapabakuna.


Isa pa, matatandaang dumagsa ang mga nais magpabakuna sa ilang vaccination sites matapos makatanggap ng balitang hindi makatatanggap ng ayuda ang mga hindi bakunado. Ang nangyari, hindi nakontrol ang dami ng tao at nalabag ang social distancing.


Sa totoo lang, nakalulungkot dahil imbes na magkusa tayong tumigil sa pagpapakalat ng maling impormasyon, heto at kailangan na yata ng batas upang matigil ang gawaing ito.


Gayunman, dapat lang patawan ng mabigat na parusa ang mga taong sangkot dito dahil malaki ring perhuwisyo sa lipunan ang dala nito.


‘Ika nga, ang pandemya ay hindi lamang laban ng medical frontliners at gobyerno. Tayong mamamayan, netizens at ang media ay kasama rin dito, kaya utang na loob, gawin natin ang kani-kanyang responsibilidad upang mabawasan ang problemang kinakaharap ng bansa.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page