top of page
Search
BULGAR

May karapatan ang taumbayan sa murang pagkain

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | April 15, 2021



Nagsimula na noong Lunes ang pagtalakay ng Senate Committee of the Whole sa isyu ng krisis sa pagkain dahil sa African swine fever.


Isa ang inyong lingod sa mga nagpanukala ng Senate Resolution No. 685 na naglalayong imbestigahan ang masalimuot na problema ng hog industry na umaapekto sa presyo ng pagkain sa bansa.


☻☻☻


Noong Enero, binati ang taumbayang bugbog na sa dagok ng pandemya ng mataas na presyo ng pagkain.


Taliwas sa inaasahang pagbaba dapat ng presyo pagkatapos ng holiday rush, pumalo sa hanggang P400 kada kilo ang presyo ng bagong-katay karne ng baboy.


Apat na buwan na ang lumilipas, subalit hindi pa rin bumababa ang presyo ng karneng baboy.


Marami na sa ating mga kababayan ang umaalma. Hindi lang ang mamimili, kundi pati na rin ang mga nasa hog industry na nagrereklamong nadedehado sila sa mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan, tulad ng pagpapababa ng tariff sa pork imports.


Ang pangamba ay hindi mabibigyan ng proteksiyon ang local producers kung daragsa ang pork imports sa bansa. Mawawalan din ng kita ang pamahalaan sa pagbaba ng tariff, na kailangan sana sa pagtugon natin sa kasalukuyang pandemya.


☻☻☻


Umaasa tayong sa pagbubukas ng Senado ng imbestigasyon sa isyu ng African Swine Fever at ang masalimuot na epekto nito sa seguridad ng pagkain ng pamilyang Pilipino, matutumbok natin kung ano ang mga dahilan na pumipigil sa pamahalaan sa paglutas nito.


Manalig tayong hindi namin sasayangin ang pagkakataon upang sa lalong madaling panahon ay malutas ang problema ng presyo ng pagkain at para na rin maprotektahan ang kabuhayan ng mga nasa hog industry.


Karapatan ng taumbayan ang murang pagkain—asahan ninyong pagtatapos ng imbestigasyon ay makapaghahain tayo ng paraan upang matamasa ang karapatang ito.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page