top of page
Search
BULGAR

May 'K’' ang housewife na maging SSS member

@Buti na lang may SSS | January 9, 2023


Dear SSS,


Magandang araw SSS! Ako ay housewife at ang aking asawa ay nagtatrabaho sa kumpanya at naghuhulog sa SSS. Nais ko rin sanang maghulog sa SSS, ngunit ako ay hindi empleyado. May paraan pa ba na maging miyembro ako? - Selena


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Selena!


Sa katunayan, noong 1995 ay sinimulan na ng SSS ang pagsaklaw o pagbibigay ng social security coverage para sa ating mga maybahay na ang kanilang buong oras ay inilalaan sa pamamahala ng kanilang mga tahanan at pag-aasikaso sa pamilya.


Selena, maaaring makapaghulog sa SSS ang legal na maybahay na katulad mo na aktibong nagbabayad na miyembro ng SSS bilang Non-Working Spouse (NWS). Ngunit kinakailangan na ito ay may kaukulang pahintulot ng iyong asawa.


Ibabatay ang iyong monthly salary credit na ihuhulog mo sa SSS sa kalahati o 50% ng monthly salary credit ng iyong asawa na hindi naman bababa sa P1,000.


Kung sa nakalipas na mga taon ay hindi ka kailanman naging miyembro o naghulog sa SSS at wala ka pang 60 taong gulang, maaari kang kumuha ng iyong SS number online. Magtungo ka lamang sa SSS website, www.sss.gov.ph.


Subalit kung ikaw ay SSS member na, maaari ka magpalit ng membership upang ikaw ay mapabilang sa Non-Working Spouse sa pamamagitan ng pagsusumite ng Member Data Change Request Form sa SSS.


Halimbawa, ang iyong asawa ay manggagawa na naghuhulog ng regular sa SSS, kung saan kumikita at naghuhulog siya batay sa P16,000 monthly salary credit. Katumbas naman nito ay ang P 2,080 na kontribusyon kada buwan. Ikaw naman bilang kanyang asawa ay maaaring maghulog ng P1,040 na kontribusyon kada buwan bilang NWS na ibinatay sa P1,500 monthly salary credit (kalahati ng monthly salary credit ng iyong asawa).


At tulad ng ibang SSS member, kinakailangan mo ring magrehisto sa My.SSS portal na nasa SSS website at mag-generate ng Payment Reference Number (PRN) na kailangan sa pagbabayad.


Kung natugunan mo ang mga kuwalipikasyong nabanggit, kinakailangan mong punan at isumite ang Personal Record o ang dating tinatawag na E-1 Form na may pirma ng iyong asawa sa pinakamalapit na sangay ng SSS. Dapat ilakip sa Personal Record Form ang certified true copy ng inyong marriage certificate. Kung wala ka pang SS number, dapat isumite mo rin kasama ng E-1 Form ang certified true copy ng birth certificate o 2 valid ID upang magbigyan ka ng SS number mo. Matapos nito, maaari ka ng magbayad ng kontribusyon ng kada buwan o kaya ay quarterly.


Mahalaga na ang NWS ay regular na naghuhulog ng kontribusyon upang maging kuwalipikado siya sa mga benepisyo ng SSS para sa panganganak, pagkakasakit, pagkabalda, pagreretiro, pagpapalibing at pagkamatay gayundin sa mga pautang na programa nito, tulad ng salary, calamity loans, atbp.

 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page