ni Lolet Abania | June 14, 2021
Hindi pa naipapamahagi ng Department of Health (DOH) ang pinakabagong shipment ng Sinovac COVID-19 vaccine dahil hinihintay pa ng ahensiya ang pagsusumite ng isang certificate mula sa Chinese drugmaker.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi pa nai-release ng Sinovac ang certificate of analysis para sa karagdagang 1 milyong doses na nai-deliver sa Pilipinas noong nakaraang linggo.
“We cannot distribute or transport these vaccines to specific recipients... kung hindi kumpleto ang dokumento namin,” ani Vergeire sa isang briefing.
Noong nakaraang buwan, naantala rin ang pamamahagi ng Sinovac doses sa mga vaccination sites dahil sa kakulangan ng pareho ring certificate.
Samantala, ayon kay Vergeire, ang pag-distribute ng 2.2. milyong Pfizer doses na na-deliver kamakailan sa bansa ay sisimulan na.
Aniya, batay na rin kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Jr., ang 40% ng bagong Pfizer shipment ay mapupunta sa Metro Manila, Metro Cebu, Metro Davao, Bulacan, Cavite, Pampanga, Laguna, Batangas at Rizal, kung saan ang COVID-19 infections ay napakataas, habang ang natitirang 60% ay ide-deploy sa ibang mga lugar na may mataas na bilang ng COVID-19 cases.
Sinabi rin ni Vergeire na ang lahat ng 2 milyong AstraZeneca doses na mag-e-expire sa katapusan ng Hunyo at Hulyo ay naipamahagi at na-administer na rin.
Mahigit sa 4.6 milyong indibidwal ang nabakunahan na hanggang nitong Hunyo 8, malayo pa rin sa target ng gobyerno na maturukan ng COVID-19 vaccines ang 50 milyon hanggang 70 milyong Pilipino ngayong taon.
Comments