ni Judith Sto. Domingo @Asintado | November 29, 2023
Nagbubunyi tayo na nakasamang napalaya ng Hamas noong Nobyembre 24 ang ating kababayang caregiver sa Israel na si Jimmy Pacheco matapos ang pagkakabihag niya kasama ng iba pa noong Oktubre 5 sa gitna ng ginawang pagsalakay ng Hamas sa Israel.
Masayang balita ito lalo na’t tila sorpresang karagdagan ang ating kababayan sa mga pinalaya sapagkat wala siya sa naunang pinagkasunduang palalayain ngunit napabilang din kalaunan.
Kung sinuman ang tunay na dapat bigyan ng kredito o pagkilala sa nangyaring ito, nagpapasalamat tayo na ligtas na sa panganib si Pacheco at makakapiling ng kanyang pamilya pag-uwi niya sa Pilipinas.
Nauna nang inasahang palalayain ng Hamas ang may kabuuang bilang na 50 na mga bihag nito sa loob ng apat na araw, kapalit ng 150 na nakapiit namang mga Palestino sa Israel.
Nauna na ring nakatanggap ang Israel ng listahan ng mga bihag na planong pakawalan ng Hamas sa ikalawang araw ng kanilang negosasyon.
Ang pagpapalayang ito sa mga bihag sa gitna ng ceasefire ay bunga ng ilang linggong negosasyon sa pagitan ng Israel at Hamas kung saan namagitan ang Qatar at Egypt.
Bilang parte ng kasunduan, pinalaya rin ng Israel ang mga hawak nitong Palestino.
Samantala, sa gitna ng pinag-uusapang pagpapalawig ng ceasefire, nananawagan din tayo sa Department of Foreign Affairs na masigasig na magsagawa ng mabisang mga hakbang para mapalaya rin ang natitirang Pilipinong pinaniniwalaang nasa kamay pa ng Hamas.
Ang buhay ng bawat manggagawa natin sa ibang bansa ay mahalaga. Ang kaligtasan nila ay lubid o lifeline ng pag-asa at kinabukasan, hindi lamang ng kanyang pamilya, kundi pati ng ating bayan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments