ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | July 27, 2021
Umuusad at hindi pa halos nakababangon ang ating export-industry, tila mabobokya pa ang kakarampot nilang kita.
Eh, bakit kamo? Biruin ninyong alisin ba naman ng BIR ang 12% exemption sa value added tax na nagpapababa sa halaga ng mga raw materials, packaging supplies at iba pang serbisyo sa mga export-oriented manufacturers, kabilang ang critical healthcare supplies?! Ano ba!
Aba, eh, kung may Delta variant na banta ngayon sa ating kalusugan, eh, ito nama’y tila “tax variant” sa negosyo ng ating mga exporters. Itong bagong sulpot na regulasyon sa buwis o ang ‘BIR regulation 9-2021’ ang malaking banta sa unti-unti pa lang na bumabangong export industry ng bansa.
Naghihingalo na nga ang industriya, babawiin pa ng ‘tax variant’ ‘yung kakarampot na benepisyo ng mga exporter. Lahat mauuwi lang sa wala! ‘Kalokah!
Tulad na lang nitong mga garment exporters na nagsikap na makaagapay sa pandemya. Nawalan sila ng mga orders para sa ginagawa nilang damit, kaya pinalitan nila ng mga PPE, lab gowns at surgical masks para lang mabawasan ang masesesante sa trabaho at matuloy pa rin ang pagsuweldo sa mga natirang empleyado.
FYI, IMEEsolusyon sa kanilang proteksiyon vs ‘tax variant’, eh, ‘yung ating itinutulak na Senate Bill 1708 or ang “Healthcare Manufacturing and Pandemic Protection Act”, na noong isang taon pa natin naihain.
Hindi lang ito makahihikayat ng mga foreign investor, kundi makatutulong din sa pagpapanatili ng trabaho sa Pilipinas!
Take note, sa ilalim ng panukala, kapag may pandemya o anumang health emergency, lahat ng ibinebenta ng mga exporter na critical healthcare products sa loob o sa labas man ng bansa ay ituturing na export sales kaya mabibigyan ito ng exemption sa VAT at iba pang bayarin. At, huwag ka, and’yan pa rin ang iba pang export incentives o panghihikayat sa negosyo.
Saka, ang ating mga exporter sa special economic zones ay puwedeng hanggang 80% ang gawing produksiyon para sa lokal na pangangailangan. Maikakarga pa rin ito bilang export sale requirements na nakasaad sa ating batas.
At higit sa lahat, ang ating panukala ang mag-oobliga rin sa gobyerno na unahing bumili ng mga healthcare supplies sa mga local manufacturer, basta sure lang na hindi lalampas ng 25% ang presyo nila kumpara sa pinakamababang tawad ng mga foreign supplier.
Aba, eh, kung noon pa sana bumili ang DOH sa ating mga local manufacturers na kapareho lang ang produkto at mas mura, hindi pa sila nakaladkad sa kontrobersyang nag-overpriced daw ang pagbili ng PPEs na nagkakahalagang Php1.8 million, ‘di ba?
Comments