ni Gerard Peter - @Sports | November 1, 2020
Iimbestigahan si Los Angeles Dodgers star Justin Turner matapos mariin nitong labagin ang safety protocols sa kasagsagan ng selebrasyon ng kanyang koponan kasunod ng pagwawagi nito sa Major League Baseball World Series sa kabila ng pagpo-positibo nito sa novel coronavirus disease (Covid-19).
Magsasagawa ng imbestigasyon ang pamunuan ng MLB matapos ilagay sa panganib ng 35-anyos na third baseman ang kaligtasan ng karamihan na maaaring maging sanhi ng hawahan, kasunod ng pagwawagi ng Dodgers laban sa Tampa Bay Rays via 3-1 sa Arlington, Texas.
Inilabas ang laro ng Long Beach, California-native sa ika-8th winning ng game 6 nang mapag-alaman ng mga operatiba na nagpositibo ito sa mapanganib na virus. Ngunit, imbes na ihiwalay ang kanyang sarili sa mga teammates, nagawa pa nitong magdiwang para sa ika-pitong World Series titles ng koponan na huling nagkampeon noon pang 1988 kalaban ang Oakland Athletics.
“Upon receiving notice from the laboratory of a positive test, protocols were triggered leading to the removal of Justin Turner from last night's game. Turner was placed into isolation for the safety of those around him. However, following the Dodgers victory, it is clear that Turner chose to disregard the agreed-upon joint protocols,” ayon sa statement ng liga.
Hindi man nakihalubilo agad si Turner sa sandaling nagwagi ang Dodgers ng korona, nagawa naman nitong sumama sa team picture ng walang suot na facemask, katabi pa si Dodgers manager Dave Roberts. Sinundan pa ito ng hawak ang tropeo at hinalikan ang kanyang asawa.
Tinesting ang parehong koponan na Dodgers at Rays noong Martes at Miyerkules, habang ang pagbiyahe ng bawat manlalaro pabalik sa kanilang mga lugar ay aalamin ng awtoridad.
Sinabi ng 2017 National League Championship Series MVP sa kanyang social media account na wala itong naramdaman o kinakitaan ng sintomas hinggil sa mapanganib na sakit. “I feel great, no symptoms at all,” saad ni Turner sa kanyang Twitter account. “Just experienced every emotion you can possibly imagine. Can't believe I couldn't be out there to celebrate with my guys!”
Ipinaliwanag naman ni Dodgers president of baseball operations Andrew Friedman ang naging hakbang ni Turner sa pagpunta sa field na nagpakuha lamang umano ng picture.
Comments