May COPD, namatay na rin 2 yrs. ago, nabuhay lang… IBINULGAR NI LOTLOT: NORA, 2 BESES NAG-FLAT LINE BAGO PUMANAW
- BULGAR
- 5 hours ago
- 5 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | Apr. 23, 2025
Tulad ng kanyang mga pelikula nu’ng rurok ng kanyang kasikatan bilang Superstar, mala-box office hit din ang huling burol ng National Artist for Film and Broadcast na si Nora Aunor sa The Heritage Memorial Park nu’ng Lunes ng gabi.
Punumpuno ang chapel na pinagdausan ng eulogy at nagdatingan ang malalaking personalidad mula sa showbiz at pulitika para magbigay ng kanilang last respect sa Superstar.
Naging emosyonal din hindi lang ang mga anak ni Ate Guy na sina Lotlot, Kiko, Ian, Matet at Kenneth kundi maging ang mga kaibigan ng Superstar tulad nina Jukebox Queen Imelda Papin (kumare ni Nora) at Ms. Celia Rodriguez.
At maging ang mga dati ngang kapareha sa pelikula at naging karelasyon ni Ate Guy ay present din nu’ng gabing ‘yun like Christopher de Leon and former Pres. Erap Estrada.
Ewan kung in denial pa si former Pres. Erap o hindi lang talaga niya nakilala si Ate Guy sa loob ng coffin kaya ang chikang nakarating sa amin, “Si Guy ba ito?” ang tanong ng dating aktor-pangulo nang silipin ang Superstar sa loob ng kabaong.
Sina Ian at Lotlot na ang inabutan naming nagsasalita sa eulogy at inalala nila kung paano naging ina at nagpaka-ina sa kanila ang Superstar.
Ang natatandaan namin sa mga sinabi ni Ian ay kung paano siya sinorpresa ni Ate Guy minsang may pabalik siyang flight sa Manila from abroad. Nagulat daw siya nang bigla na lang ipatawag o i-page ng mga officers sa airport, ‘yun pala, para sabihin lang na in-upgrade sa business class ang kanyang flight dahil na rin sa ‘super powers’ ng Superstar.
Si Lotlot naman, binalikan nito ‘yung masakit at challenging time sa buhay nila kung saan nagpaalam lang daw ang kanyang Mommy Guy na magso-show sa USA at ibinilin sa kanya ang mga kapatid pero inabot ng 8 yrs. bago nga nakabalik sa bansa ang Superstar dahil sa kasong kinasangkutan nito sa US nang mahulihan ng illegal substance.
Ikinuwento rin ng panganay sa limang magkakapatid na si Lotlot kung paano nila nalamang nasa ospital na ang kanilang mommy at nag-aagaw-buhay na.
Parang may tampo pa nga ang magkakapatid dahil hindi nila nalaman agad at hindi ipinaalam sa kanila na itinakbo pala sa ospital ang kanilang ina, gayung karapatan daw nilang malaman ‘yun.
Ang isang ugali naman kasi ni Ate Guy na ikinuwento nga ni Lotlot ay ayaw na ayaw
nitong binibigyan ng alalahanin ang mga anak at hangga’t makakaya niya, kinakaya lahat ni Nora ang mga problemang dumarating sa kanyang buhay.
So, nalaman lang daw nina Ian at Lotlot na nasa ospital nga ang kanilang ina nang i-text sila ng PCSO Director na si Imelda Papin na kumare nga ni Ate Guy at sinabihan sila na pumunta na agad-agad sa ospital dahil hindi na nga maganda ang lagay ni Nora.
Ani Lotlot, nu’ng una nga raw, ayaw pang sabihin sa kanila ni Ate Guy ang tunay na health condition at sakit nito at pinilit lang ng aktres na paaminin ang doktor ng ina dahil karapatan nga nilang malaman bilang mga anak.
Du’n na nalaman ni Lotlot na matagal na palang may Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD) si Nora at in fact, two years ago raw ay nag-flat line na rin pala sa ICU si Ate Guy.
Pero siguro, hindi pa tapos ang mission niya that time kaya binigyan pa siya ng extension ni Lord at nagawa pa ngang magkabati-bati sila at maka-bonding ang mga anak at apo sa mga huling sandali ng kanyang buhay sa lupa.
Masakit para kay Lotlot at sa iba pang anak ni Ate Guy ang kanyang pagkawala lalo na’t sabi nga ng una, fighter talaga ang kanyang ina na nag-flat line na pala ilang araw lang matapos ang ginawang angiogram sa kanya, pero lumaban pa ito at nabuhay uli.
Pero pagkatapos lang daw ng ilang sandali, nag-flat line na naman si Ate Guy at du’n na nga nag-let go si Lotlot at kinausap ang ina na okay na ang estado nilang magkakapatid kaya puwede na itong magpahinga at ‘wag na silang intindihin.
Naging emosyonal din si Lotlot habang pinasasalamatan ang lahat ng taong naging karamay nila sa mabigat na pagsubok na ito sa kanilang buhay lalo’t kamamatay lang din ng kanyang former mother-in-law na si Ms. Pilita Corrales.
Ilan sa mga pinasalamatan ni Lotlot ay ang mga Ejercito (mag-amang Erap at Jinggoy na lagi raw nangungumusta sa kanya nang mamatay si Ate Guy), mag-asawang Sen. Bong Revilla at Congw. Lani Mercado, mag-asawang Alan Peter at Lani Cayetano at si Sen. Robin Padilla na ayon kay Lotlot ay nag-stay ng 10 hours sa Heritage sa unang araw ng burol ng kanyang ina.
Kahapon ay naihatid na sa Libingan ng mga Bayani ang Superstar-National Artist na si Nora Aunor, ngunit ang kanyang legasiya ay mananatiling buhay sa puso ng mga Pinoy.
Paalam, Ate Guy!
Nagpahayag naman ng taos-pusong pakikiramay si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. sa pagpanaw ng Pambansang Alagad ng Sining at alamat ng pelikulang Pilipino na si Nora Aunor noong ika-16 ng Abril, 2025.
“Lubos akong nagdadalamhati sa pagpanaw ng isang tunay na alamat ng sining at kulturang Pilipino. Si Ate Guy ay isang inspirasyon, hindi lamang sa aming mga kapwa artista kundi sa bawat Pilipinong nangangarap at nagsusumikap. Sa loob ng maraming dekada, siya ang naging tinig, mukha, at damdamin ng sambayanang Pilipino,” ani ng aktor at mambabatas.
Bilang pagpupugay sa pagpanaw ni Aunor, inihain ni Senador Bong Revilla ang Senate Resolution No. 1339 upang ipahayag ang kanyang taos-pusong pakikiramay at pagkilala sa hindi matatawarang ambag ng batikang aktres sa pelikula at kulturang Pilipino.
Si Nora Aunor ay unang nakilala matapos manalo sa Tawag ng Tanghalan noong 1967 kung saan kinanta niya ang Moonlight Becomes You.
Kalaunan, tinagurian siyang “The Girl with a Golden Voice” at naglabas ng mahigit 500 kanta tulad ng Pearly Shells, Handog at People.
Sinundan ito ng kanyang matagumpay na karera sa pag-arte, kung saan umabot sa mahigit 170 pelikula ang kanyang pinagbidahan at umani ng maraming parangal —kabilang ang pitong Gawad Urian Best Actress awards.
Tatlong beses din siyang pinarangalan bilang "Natatanging Aktres ng Dekada," naging miyembro ng FAMAS Hall of Fame, at ginawaran ng lifetime achievement awards mula sa Film Academy of the Philippines, Cultural Center of the Philippines, at National Commission for Culture and the Arts.
Nakilala rin si Nora Aunor sa buong mundo. Siya lamang ang natatanging Pilipinang aktres na ginawaran ng mga parangal mula sa limang magkakaibang kontinente, kabilang ang Best Actress sa Cairo International Film Festival (1995) para sa The Flor Contemplacion Story, Best Actress sa Malaysia (1997) para sa Bakit May Kahapon Pa?, Best Actress sa Brussels International Independent Film Festival (2004) para sa Naglalayag, Asia Pacific Screen Award (2013) para sa Thy Womb sa Australia, at kinilala bilang isa sa 10 Asian Best Actresses of the Decade (2010) sa North America.
Noong 2022, kinilala si Nora Aunor bilang Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula at Sining sa Pag-broadcast, isa sa pinakamataas na pagkilalang maaaring igawad sa mga Pilipinong alagad ng sining.
“Ate Guy, katulad ng paborito mong awitin na I'll Never Find Another You, wala na kaming makikilalang katulad mo. We will never find another you. Nag-iisa ka, at labis ka naming mami-miss. Paalam sa isang tunay na Superstar,” ani Sen. Bong na puno ng emosyon.
Comments