ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | June 12, 2021
KATANUNGAN
1. Bakit kahit may guhit naman ako ng negosyo, na sinasabi n’yo sa ilalim ng hinliliit at may straight Head Line rin ang palad ko, hanggang ngayon ay hindi pa rin ako yumayaman? Ang isa pang napansin ko, imbes na yumaman ay nalulugi pa ang negosyo kong tindahan.
2. May pag-asa pa bang makaahon ako sa mga pagkakautang at yumaman? Anong negosyo ang angkop sa akin at kailan ako yayaman tulad ng madalas mong sabihing yumayaman ang mga taong may straight Head Line?
KASAGUTAN
1. Tama ang mga sinasabi mo dahil mayroon kang Business Line (Drawing A. at B. B-B arrow a.) at straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, pero nanatili pa rin ang tanong na bakit hindi ka yumayaman sa iyong negosyo?
2. Ang hindi mo kasi napansin, ang iyong Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow c.) na tinatawag ding Career Line o Guhit ng Hanapbuhay, nahulog ito sa pagitan ng hintuturo at panggitna (arrow d.). Ibig sabihin, kaya hindi ka yumayaman, wala sa ugali at katangian mo ang inuugali ng mayayaman. Ano ba ang ugali ng mayayaman? Tama ang sagot mo, “Karamihan sa kanila ay kuripot, may pagkatuso at matipid.”
3. At dahil nahulog ang Fate Line (F-F arrow c. at d.) sa pagitan ng iyong mga daliri, ito ay tanda na kabaligtaran ng ugaling mayaman ang inaasal mo. Maaaring madalas kang mag-ulam ng masarap, maaaring kapag nakahawak na ng pera, gasta ka nang gasta, maaaring ang pera na kinita ng tindahan ay iniisip mong sarili mong pera, kaya pati ito ay nagagasta mo rin sa araw-araw n’yong pangangailangan.
4. Kung ganyan ang istilo ng iyong pamumuhay, kahit may dobleng straight Head Line (H-H arrow b.) at ubod ng linaw ng Guhit ng Negosyo (B-B arrow ay.) sa kaliwa at kanan mong palad, hindi ka talaga yayaman.
MGA DAPAT GAWIN
1. Hindi naman masamang magmahal ng salapi o sabihin na nating “halos ginagawa nang Diyos ang pera” tulad ng ugali ng mayayaman kung ikukumpara sa taong naghihirap at umaasa lang sa kanyang kapwa sa halip na maghanapbuhay o ‘yung mga tao na walang ginawa upang maghanap ng mauutangan at hindi naman nagbabayad. ‘Yung iba naman ay halos ibenta na ang dangal ng kanilang dalagang anak upang magkapera lamang, pero ang masaklap, pagkatapos makahawak ng malaking halaga ng salapi ay lulustayin lang nang walang kapararakan.
2. Ikumpara mo ngayon, sino ang mas masaya? ‘Yung taong minsan lang nakahawak ng salapi at minahal ito nang todo at pinalago, pagkatapos ay hindi na siya umasa o nangutang. Samantalang ‘yung isa na galante, waldas, ayaw mahalin ang pera, masyadong maluho sa pamumuhay at nang naubos ang salapi na inutang lang, pipintasan ang mayayaman at sasabihing, “‘Di bale nang hindi ako yumaman, kung ganyan naman ako kakuripot at kakunat!” ‘Yan ang sinasabi na, ano ang mas mabuti — magmahal ng salapi o maging habambuhay na mangungutang?
3. Habang, ayon sa iyong mga datos, Nelissa, hangga’t hindi mo inaayos ang istilo ng iyong pamumuhay o hangga’t hindi mo natutunan ang masinop at mahusay na paghawak ng salapi, tulad ng kasalukuyang nangyayari sa iyo, mababaon ka talaga sa utang at hindi aasenso ang iyong tindahan.
4. Tandaang ang pagmamahal sa salapi na kinita mo naman at pinaghirapan ang tunay na simula at tamang daan patungo sa pag-unlad at ganap na pagyaman.
Comments