top of page
Search
BULGAR

May bura sa huling habilin

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 4, 2023


Nakikiramdam ang hanay ng mga operatiba ng Land Transportation Office (LTO) matapos ianunsiyo ng ahensya na uumpisahan na ang paggamit ng automated handheld device para sa pag-iisyu ng ticket sa traffic violators sa susunod na linggo.


Layon kasi ng pag-iisyu ng naturang device sa mga enforcer na maipakitang high-tech na ang naturang ahensya at kaya nang ilagay ng mga enforcer ang lahat ng impormasyon at violation ng motorista sa isang device.


Ang ipinagmamalaking device ay maglalabas ng resibo, na siyang ibibigay ng enforcer sa motoristang may violation na ipakikita naman ng motorista sa LTO office kung saan sila magbabayad ng kaukulang multa na kailangan nilang gawin sa loob ng 15 araw.


Maayos ang naturang device dahil kailangang i-scan ang fingerprint ng motorista para maberipika ang lisensya nito, kasunod nang encoding ng license plate number ng sasakyan at kapag na-encode na rin ang violation, saka pa lamang maiimprenta ang high-tech na violation ticket.


Dahil hindi naman lubos na maaasahan ang internet connection sa bansa, naghahanda rin ang mga enforcer na sakaling mawalan ng koneksyon sa internet ang naturang device ay maaari silang magbalik sa manual na sistema.


Ayon sa pamunuan ng LTO, kapag na-encode na ang kailangang impormasyon, hindi na umano puwedeng baguhin pa, na karaniwang ginagawa ng mga nagrereklamo o nakikiusap na motorista, kapalit ng ‘lagay’ ay nakikipagnegosasyon sa mga enforcer.


Base sa nakalap nating impormasyon, limitado lamang ang mga kagamitang ito ng LTO para sa kanilang mga enforcer, ngunit ang device ring ito ang nakatakdang gamitin ng mga enforcer ng local governments sa Metro Manila.


Ito ay kung nakatakda nang simulan ng Metro Manila Council ang traffic code para payagan na ang single ticketing system na may pare-parehong halaga ng multa para sa iba’t ibang klase ng traffic violation sa mga siyudad sa National Capital Region (NCR).


Sa ngayon, kukumpiskahin pa rin ang lisensya ng mahuhuling tsuper dahil nasa testing process pa ang bagong sistema, ngunit kung magkakaroon ng payment gateway at nais na ng motorista na bayaran on the spot ang kanilang violation, maaari na itong gawin kapag activated na ang sistema sa second phase ng naturang programa.


Sa totoo lang, napakaganda ng hakbanging ito ng LTO dahil kung tutuusin, maraming mabuting dulot ang handheld device na ipapagamit sa mga enforcer, kaya lang, hindi naman ito sapat para maibsan ang umiiral na pangongotong.


Ang bentahe lamang ng device na ito ay hindi na mahahabol sa pag-iingat ng enforcer ang nakumpiskang lisensya dahil awtomatikong nakarekord ang detalye ng nasakoteng tsuper sa main office ng LTO.


Higit sa lahat, ang ginagamit na papel sa mga automated handheld device ay thermal paper na hindi puwedeng gayahin o gumawa ng peke na tulad ng ginagawa ng mga jeepney driver na bumibili ng pekeng violation ticket para lamang may maipakita sa tuwing huhulihin.


‘Talahib’ ang tawag ng mga drayber na namamasada sa nabibiling violation ticket na karaniwan ay pekeng pangalan at detalye ang nakasulat na ginagamit ng mga tsuper sa tuwing masisita sila ng enforcer para hindi madungisan ang orihinal nilang lisensya.


Dapat bigyang-papuri ang LTO sa pagbabagong ito dahil may mga problema ring nasolusyunan at napabilis tungo sa pagbabago, na sana ay simula na ng mga susunod pang pagbabago para sa ikabubuti ng ahensya.


Kaya lang, kahit naibsan ang problema ay hindi pa rin ito sapat para tuluyang mahinto ang korupsyon sa pagitan ng enforcer at hinuhuling tsuper dahil likas na nakikiusap ang mga nahuhuling driver.


Likas din namang mapagbigay ang ating mga enforcer at hirap tumanggi sa pakiusap ng mga driver, lalo na kung may nakaipit sa lisensya, na isa at pangunahing problema na dapat masolusyunan.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page