top of page
Search
BULGAR

May bisa ba ang kasunduan sa pagpapatigil ng sustento?

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 2, 2023


Dear Chief Acosta,


Nagkaroon ako ng relasyon sa isang pamilyadong lalaki na nakakaluwag sa buhay.


Nagbunga ang aming pagsasama ng isang anak at ngayon siya ay 3 taong gulang na.


Napagdesisyunan ng aking kinakasama na makipaghiwalay sa amin upang bumalik sa kanyang pamilya at ayusin ang mga naging pagkukulang niya rito. Kapalit nito ay binigyan niya ang aming anak ng P100,000.00, ngunit sa kondisyon na hindi na namin siya maaari pang habulin o hingan ng sustento. Pinapapirma rin niya kami ng isang kasulatan o waiver ukol dito. Tama ba na itigil na niya ang pagsustento sa aming anak sa mga susunod pang taon? - Marisa


Dear Marisa,


Para sa inyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan. Ayon sa Article 6 ng New Civil Code of the Philippines:


“Art. 6. Rights may be waived, unless the waiver is contrary to law, public order, public policy, morals, or good customs, or prejudicial to a third person with a right recognized by law.”


Kaakibat ng probisyong ito, nakasaad sa Article 2035 ng parehong batas ang mga bagay na hindi maaaring ikompromiso:


“Art. 2035. No compromise upon the following questions shall be valid:


(1) The civil status of persons;

(2) The validity of a marriage or a legal separation;

(3) Any ground for legal separation;

(4) Future support;

(5) The jurisdiction of courts;

(6) Future legitime.”


Sang-ayon sa mga nabanggit na probisyon ng batas, maaaring tanggalin ang karapatan ng taong nagmamay-ari nito, maliban na lamang kung ang pagtanggal ng sariling karapatan ay hindi akma o taliwas sa batas, o magdudulot ng kapahamakan sa ibang tao na may karapatang kinikilala sa ilalim ng batas.


Sa inyong sitwasyon, ang pag-waive o pagtigil sa paghingi ng sustento ng iyong anak sa kanyang ama ayon sa inyong kasunduan ay makokonsiderang invalid o walang bisa, sapagkat isa ang future support sa mga bagay na hindi puwedeng ikompromiso o igawa ng kasunduan.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page