ni Melba R. Llanera - @Insider | August 21, 2020
Labis ang pasasalamat ng halos 33,000 jeepney drivers na napagkalooban ng 5 milyong pisong ayuda ni Willie Revillame.
Naganap ito nu'ng Miyerkules (August 19) sa central office ng LTFRB. Dito ay tinipon ang mga transport leaders at mga jeepney drivers na hindi miyembro ng kahit na anong transport group.
Ang mga grupong napagkalooban ay ang sumusunod: Pasang Masda na tumanggap ng halos P1.5 milyon; ALTODAP na nakatanggap ng mahigit P1.3 milyon; isang grupo ng mga drivers ng halagang mahigit P300,000 at ang mga drivers na may biyaheng Tandang Sora-Visayas Avenue ay nakatanggap naman ng halos P300,000 din.
Bukod sa pera ay nagpamahagi rin si Willie ng halos 2,000 sako ng bigas na pinaghati-hatian ng mga jeepney drivers at jackets sa lahat ng mga taong nasa opisina ng LTFRB.
Nangako rin si Willie na sa susunod na buwan ay magbibigay siya muli ng panibagong P5 milyong ayuda para sa mga jeepney drivers na 'di pa niya natutulungan.
Isa ang tv host sa mga artistang bukas tumulong sa mga nangangailangan ngayong pandemya kung saan ayon nga kay Willie, kung nasaan man siya ngayon ay utang niya sa masang Pilipino.
תגובות