top of page
Search
BULGAR

May bakuna o wala, kailangan pa rin mag-ingat

ni Grace Poe - @Poesible | September 27, 2021



Nagpahayag kamakailan lamang ang Pangulo na tatanggalin na ang mandatoryong pagsusuot ng face shields sa mga bukas na lugar. Mananatili na lang itong kailangan sa mga establisimyentong sarado o may maraming tao.


Isang malaking pagluluwag ito sa sambayanang nananawagang tanggalin na ang rekisitong ito dahil tayo lang yata ang bansang kailangan kapwa ang face shield at facemask. Sa totoo lang, ang hirap isuot nang sabay ang mga ito sa mahabang oras. Marami ang nagrereklamo na kinakapos sila ng hininga o nahihilo kapag nasa loob ng mainit na lugar at suot ang mga ito.


Ayon sa Department of Health, posibleng tumaas pa ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Kamaynilaan bago ito bumaba nang unti-unti pagdating ng Oktubre. Bunsod ito ng vaccination rollout sa National Capital Region (NCR) at kalapit na lalawigan. Batay ito sa projection sa datos na nakakalap nitong nakaraang mga linggo.


Good news ito para sa atin, pero hindi ito dahilan para maging kampante at magpabaya ang mga tao. Kung magiging pasaway, baka sa halip na bumaba ang bilang ng kaso, kaharapin na naman natin ang panibagong surge.


Ipinapaalala sa ating lahat na may tinatawag na breakthrough infections. Ito ay ang mga kaso kung saan ang mga bakunado ay nagkakaroon pa rin ng COVID-19 infection. Bagama’t malaking tulong ang bakuna para hindi maospital at mamatay, mahirap pa rin sa katawan ang dapuan ng karamdamang ito. Bukod dito, makapanghahawa ang taong bakunado. Maawa tayo sa mga batang walang bakuna at sa mga may edad at mahihina ang resistensiya na maaaring maapektuhan kung magkakaroon ng exposure sa COVID-19.


Hindi dahil mild sa ibang tao, mild lang din ang tama sa atin. Ito ang kakatwa sa COVID-19: hindi natin mawari kung ano ang magiging epekto sa bawat tinatamaan nito. Maging maingat sa lahat ng pagkakataon.


Sa panahon ngayon, hindi na uubra ang mga dati nating sinasabi na sipon lang ito, trangkaso lang ito, kapag nagkakasakit. Ang ganitong pag-iisip ang pinagmumulan ng pagkakalat ng impeksyon. Maging malay sa mga sintomas ng COVID-19. Maging responsible kung nakararanas nito.


Nakamamatay ang pagwawalang-bahala. Nakamamatay ang pagsisinungaling at paglilihim. Mag-ingat tayong lahat.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page