ni Lolet Abania | February 17, 2022
Sisimulan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang paghahanap sa mga sari-sari stores na nagbebenta ng mga medisina at mga pekeng gamot na ipinagbabawal sa batas.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, inatasan na niya ang Philippine National Police (PNP) na arestuhin ang sinumang violators na magiging sangkot sa hindi awtorisadong pagbebenta ng mga gamot.
“Inatasan din natin ang PNP na siguraduhing hindi nagbebenta ng gamot ang mga sari-sari store at arestuhin ang sumusuway sa batas lalo na iyong mga naglalako ng pekeng gamot,” sabi ni Año.
Hinimok din ni Año ang mga local government units (LGUs) na mag-isyu ng mga ordinansa patungkol dito.
“LGUs should protect the health and general welfare of their constituents. We, therefore, urge LGUs to ensure that sari-sari stores within their jurisdictions are not selling any medicine because under the law, hindi sila awtorisado,” sabi ni Año sa isang statement.
Una nang ini-report ni Food and Drug Administration (FDA) officer in charge Director General Oscar Gutierrez Jr. na tinatayang nasa 185 sari-sari stores mula sa National Capital Region, Region IV-A at Region V, ang nabatid na nagbebenta ng mga medisina, kabilang na ang mga COVID-19 related drugs.
Katuwang ang FDA, ayon kay Año, magpapalabas siya ng isang Memorandum Circular (MC) sa mga LGUs para matigil na ang pagbebenta ng mga gamot sa mga sari-sari stores at ibang mga outlets na walang FDA authorization.
“Sisiguraduhin natin na aaksyunan ito ng ating mga LGUs at ng ating kapulisan dahil kalusugan at kapakanan ng ating mga kababayan ang nakataya rito,” sabi pa ni Año.
Comentarios