ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 11, 2021
Pormal nang kinasuhan ang may-ari ng Gubat sa Ciudad public pool at ang chairman ng barangay sa Caloocan City na nakakasakop dito matapos mabuking ang operasyon nito sa kabila ng pagsasailalim sa NCR Plus sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Nagsampa sina City Health Officer Evelyn Cuevas at Business Permit and Licensing Office Head Emmanuel Emilio Vergara ng kasong administratibo laban kay Barangay 171 Chairman Romero Rivera dahil sa gross negligence of duty.
Pahayag naman ni Interior Secretary Eduardo Año, "Ang atin pong PNP at LGU ng Caloocan City ay nagsasagawa na ng pag-file ng kaso sa mga violators, kasama na po ang owner ng Gubat sa Ciudad Resort at ang pag-summon at pag-aresto sa barangay captain ng Barangay 171 sa Caloocan City sapagkat hindi niya naipatupad ang community health protocol."
Tinatayang aabot sa 300 katao ang involved sa naturang mass gathering na naganap sa resort.
Samantala, dahil sa insidente ay sinibak din sa puwesto ang commander ng Police Community Precinct Station 9 na si Maj. Harold Aaron Melgar, ayon kay Caloocan City Police Chief Col. Samuel Mina.
Si PLt. Ronald Jasmin Battala naman ang inatasan ni Mina na maging kapalit ni Melgar bilang bagong Station 9 commander.
Ipinag-utos din ni Mina sa lahat ng station commanders na magsagawa ng inspeksiyon sa mga nakatalagang areas of responsibility, maging sa mga business establishments.
Comments