ni Madel Moratillo | February 7, 2023
Hinikayat ng Department of Health (DOH) ang mga nasa pribadong sektor na huwag munang bumili ng COVID-19 bivalent vaccines.
Paliwanag ni DOH OIC Maria Rosario Vergeire, ito ay para maiwasan ang pagkasira ng mga bakuna. Marami pa aniya ang supply ng monovalent vaccines sa bansa na puwedeng gamitin para sa booster dose.
Ayon kay Vergeire, sa ngayon ay nasa 26 milyon pa ng COVID-19 vaccines ang hindi pa rin nagagamit sa bansa.
Sa bilang na ito, 16 milyong doses ang nasa national warehouse habang ang 10 milyon pa ay naipamahagi na sa mga lokal na pamahalaan.
Bukod pa aniya ito sa 24 milyong doses ng bakuna na expired na.
Una rito, sinabi ng DOH na inaasahang sa Marso ay darating na sa bansa ang 1 milyong doses ng bivalent vaccines na donasyon mula sa COVAX facility.
Prayoridad mabigyan nito ang mga healthcare workers, senior citizens, at person with comorbidities. Ang bivalent vaccines ay Omicron specific variant na bakuna.
Comments