ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 20, 2022
Binura ng Dallas Mavericks ang lamang ng bisitang Utah Jazz sa huling 8 minuto upang makamit ang 110-104 panalo at itabla ang seryeng best-of-seven, 1-1 sa NBA Western Conference Playoffs, kahapon sa American Airlines Center. Humataw ang Philadelphia 76ers kontra Toronto Raptors, 112-98, upang gawing 2-0 ang kanilang serye sa Eastern Conference.
Binuo ni Donovan Mitchell ang three-point play para sa 93-86 lamang subalit sinagot ito ang 10 sunod-sunod na puntos ng Mavs upang lumamang, 96-93. Tinabla muli ng tres ni Royce O’Neale ang laban, 96-96, ngunit bumira ng dalawang three-points si Maxi Kleber, 102-96, at mula roon ay kumapit ang Dallas sa huling 3 minuto.
Kinailangang mag-doble ng trabaho ang Mavs at hindi naglaro sa pangalawang sunod na araw sina Luka Doncic at Tim Hardaway Jr. Bumuhos ng 41 puntos si Jalen Brunson habang nag-ambag ng 25 puntos si Kleber bilang reserba.
Sa first quarter lang pinaporma ng 76ers ang bisitang Raptors at lumobo ng 29 ang kanilang lamang bago magwakas ang 3rd quarter, 95-66, matapos ang magkasunod na three-points nina Matisse Thybulle at Tyrese Maxey. Sinubukan humabol ng Toronto sa likod nina Chris Boucher at OG Anunoby subalit masyadong malaki ang agwat at kapos sa panahon.
Double-double ang kandidato para sa Most Valuable Player Joel Embiid na 31 puntos at 11 rebound. Sinuportahan siya nina Maxey na may 23 puntos at Tobias Harris na may 20 puntos.
Pinagpag ng Golden State Warriors ang malamyang simula at tinambakan ang bisitang Denver Nuggets, 126-106, para umabante ng 2-0 sa serye. Ipinasok ng Nuggets ang unang 7 puntos ng laro at pinalaki nila ito sa 43-31 sa 2nd quarter subalit mula roon ay puro Warriors ang gumawa ng ingay at nagtayo ng 112-89 lamang na may 6:45 pa sa orasan.
Kommentare