ni Anthony E. Servinio @Sports | June 18, 2024
Laro ngayong Martes – TD Garden
8:30 AM Dallas vs. Boston
Hindi na kailangang tumingin sa malayo ang Boston Celtics at Dallas Mavericks sa kanilang kinalalagyan papasok ng Game 5 ng 2024 NBA Finals ngayong Martes sa TD Garden simula 8:30 ng umaga. Panalo lang ang kailangan ng Celtics upang itahi ang kanilang ika-18 na World Championship habang agaw-buhay ang Mavs na layunin maging unang NBA koponan na makaahon mula sa 0-3 sa seryeng best-of-seven.
Noong nakaraang taon, nasa kabilang banda ang Boston at nalugmok sila ng 0-3 sa Eastern Conference Finals laban sa Miami Heat. Nagawang itabla ng Celtics ang serye sa 3-3 subalit nabitin sa Game Seven sa TD, 84-103. Sa panig ng Dallas, umarangkada sila ng 3-0 kontra sa Portland Trail Blazers sa Round 1 ng 2003 Playoffs. Bumangon ng Blazers at ipinilit ang Game 7 kung saan nanaig ang Mavs at maiwasang mapahiya sa sariling tahanan, 107-95.
Balik-2024 at determinado ang Boston na makaganti mula sa 122-84 tambakan na itinapal sa kanila noong Game 4 na pumutol din sa kanilang 10 sunod na tagumpay. Mas malaking papel ang aasahan mula kay Jaylen Brown (20.8) at Jayson Tatum (20.0) na kahit nalimitahan ang opensa ay mataas pa rin ang kanilang numero sa serye.
Mahalaga pa rin para kay Luka Doncic (29.5) at Kyrie Irving (21.0) na makahanap ng tulong mula sa mga kakampi. Maaaring makita ito kay PJ Washington (12.5) o Daniel Gafford (8.5) na abala rin na bantayan ang mga matatangkad ng Celtics. Kung magwawagi ang Mavs, ang Game Six ay nakatakda sa Biyernes sa American Airlines Center. Naka-reserba ang TD kung magkakaroon ng Game Seven sa Hunyo 24.
Comments