ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 4, 2023
Dear Chief Acosta,
Narinig ko sa radyo na maaaring humingi ng tulong sa PAO ang mga guro sa eleksyon ng barangay. Ngunit, sabi ng pinsan ko na nagtatrabaho sa munisipyo, hindi raw humahawak ang PAO ng mga kaso ukol sa eleksyon. Sino ba ang tama sa kanila? - Ronald
Dear Ronald,
Ang mga pampublikong guro na maitatalaga bilang Board of Election Inspectors (BEI) sa lokal o pambansang halalan, at mahaharap sa reklamo o demanda kaugnay ng kanilang panunungkulan bilang BEI ay maaaring dumulog at bigyan ng legal na tulong ng Public Attorney’s Office (PAO). Ito ay alinsunod sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng PAO, Department of Education (DepEd), at Commission on Elections (COMELEC), na muling pinagtibay nito lamang Setyembre 2023.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng nakararami na ang mga guro na naninilbihan tuwing halalan ay nakararanas ng panggugulo o harassment, hindi lamang mula sa mga kumakandidato, kundi pati na rin sa mga taga-suporta ng mga ito. Kung kaya’t patuloy na ipinatutupad ang nasabing MOA upang ang mga guro ay mabigyan ng karampatang proteksyon. Ang panuntunang nabanggit ay malinaw na nakasaad din sa Article 5, Chapter II ng 2021 Revised PAO Operations Manual:
“ARTICLE 5. Persons/Entities Qualified for Legal Assistance Pursuant to Memoranda of Agreement/Understanding, Department of Justice (DOJ) Directives and Special Laws, as follows:
22) Public school teachers who are appointed as Board of Election Inspectors (BEI) and are being sued in relation to their performance of the said function (Memorandum of Agreement between the PAO, the Department of Education [DepEd], and the Commission on Elections [COMELEC], dated April 29, 2016) x x x”
Kung ang reklamo o demanda na inihain laban sa isang pampublikong guro ay walang kaugnayan sa kanyang tungkulin bilang BEI, tulad ng kasong sibil, kriminal at iba pa, maaari lamang siyang bigyan ng legal na tulong at serbisyo ng PAO kung siya ay kuwalipikado bilang isang indigent client.
Gayon pa man, nais naming bigyang-diin na hindi maaaring tulungan at irepresenta ng PAO ang sinumang kandidato o pulitikal na partido sa mga reklamong mayroong kaugnayan sa eleksyon. Kung ang guro o indibidwal na tinutukoy mo sa iyong liham ay kabilang sa mga nabanggit, ikinalulungkot naming ipaalam na hindi siya maaaring asistehan ng PAO at sa puntong ito ay tama ang naging payo sa iyo ng nakausap mo mula sa inyong munisipyo na hindi humahawak ang PAO ng mga kaso kung ito ay mayroong direktang kaugnayan sa eleksyon, maging lokal man iyan o pambansang eleksyon. Ito ay alinsunod sa Article 7, Chapter II ng 2021 Revised PAO Operations Manual:
“ARTICLE 7. Persons Not Qualified for Legal Assistance. – Public Attorneys and PAO employees are prohibited from assisting the following:
5) Political candidates and parties in all election-related matters.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Comments