ni Gerard Peter - @Sports | October 23, 2020
Pansamantalang maaantala ang professional debut ni amateur standout Walter Matthysse Jr. ng Argentina matapos magpositibo sa novel coronavirus disease (Covid-19), kabilang din ang trainer at uncle nitong si Mario Narvaes.
Nasa dugo ng 22-anyos na Trelew, Chubut, Argentina-native ang pagiging boksingero na sumunod sa mga yapak ng amang retired boxer na si Walter Sr. (26-5-1, 25KOs), na minsang lumaban sa IBF welterweight title noong 2007, habang pamangkin ito ni Lucas Matthysse (39-5-1, 36KOs), na huling beses lumaban at natalo katapat si eight-division World Champion Manny “Pacman” Pacquiao para sa WBA (Regular) 147-pound title.
Napag-desisyunang iatras muna ito sa kanyang pro-debut na nakatakdang ganapin sa darating na Sabado sa Coliseu Boxing Center sa Sao Paulo, Brazil na ipapalabas mula sa TYC Sports, kung saan makakaharap sana ng batang Matthysse ang undefeated local fighter na si Fernando Messias (2-0, 1KO).
Kinakailangang dumaan muna sa two-week quarantine ang tinaguriang “El Nino Terrible,” na mayroong amateur record si Matthysse Jr. ng 59-3-1, at kung sakaling maging maayos na ang kondisyon nito sa mga darating na araw ay muling itatakda ang laban sa Nobyembre 27 sa Sao Paulo.
Patuloy pa rin na isasagawa ang labanan para sa WBO Latin welterweight title sa pagitan nina Fernando Pinto at Buenos Aires fighter Juan Leal para sa 10-round fight. Sa kabilang banda, sasagupa rin bilang parte ng card fight sina Uruguayan prospects José Acevedo, Víctor Rodríguez at Jairo Albiso, na parte rin ng unang edisyon ng "KO AL COVID 19."
Makakaharap ni Acevedo (6-0, 4 KOs) si Brazilian Pedro Guilherme Dos Santos (3-2-2) para sa 6-round battle, tatapatan naman ni Albiso (3-0, 3 KO) si fellow local Ykaro David Silva Santos (2-0, 1 KO) sa 4-round bout at kakaharapin ni Rodríguez (2-0) si Sao Paulo's Kenes Carneiro Mesquita (3-3-0), sa 4-round boxing match.
Comments