top of page
Search
BULGAR

Matiwasay na biyahe ngayong Kapaskuhan, paghandaan

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Dec. 18, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Sa umpisa ng pelikulang ‘That Thing Called Tadhana’ noong 2014, makikitang ang magbabalikbayang ginampanan ni Angelica Panganiban ay hindi makatuloy sa pag-check in sa isang paliparan sa Roma dahil labis sa pinahihintulutang timbang ang kanyang bagahe. Tila walang solusyon sa kanyang nakababalisang problema hanggang sa may nagmagandang loob na OFW na nagpaunlak na akuin ang iba niyang mga dalahin.


May kakilala tayong may kahalintulad na karanasan kamakailan. Siya ay pauwi mag-isa galing Japan at naipit sa isang paliparan doon dahil sa mabigat ding suliranin: Labis ang timbang ng kanyang mga bag ng samu’t saring pampasalubong at tila wala nang espasyo para rito sa itse-check in niyang maleta.


Kung hindi niya ito magawan ng paraan bago lumarga ang sasakyang eroplano, mapipilitan siyang magpaluwal ng tumataginting na siyam na libong piso para lang makakuha ng dagdag na check-in allowance.


Dahil tunay na buhay ito, walang sumalba sa kanya kundi ang sarili. Matapos maging ngarag ng mahigit kalahating oras sa paglilipat at pag-aayos ng mga dalahin, naging sapat ang bigat ng mga abubot at nakalipad siya pauwi nang hindi lalong napagastos.


Napapanahon ang usaping ito lalo ngayong marami ang magsisipaglayag sa ating mga kababayan, palabas man o papasok ng Pilipinas. At dahil nakapapaligalig ang pagbibiyahe kung mag-eeroplano, marami ang mga pelikulang kagaya ng ‘Tadhana’ na naglalarawan ng nakakanerbiyos na paglalakbay pa-himpapawid, mula sa katawa-tawang gaya ng ‘Airplane!’ na serye, ‘Home Alone’ at ‘Meet the Parents’, hanggang sa nakakakabang mga tipo ng ‘Die Hard 2’, ‘Snakes on a Plane’ at ang bagong labas na ‘Carry-On’.


Ngunit hindi naman kailangang may pighati ang pagbibiyahe kahit pa sa ganitong panahon na umaapaw ang dami ng mga tao sa mga paliparan. Kailangan lamang maglaan ng masinsinang paghahanda upang maging maginhawa ang pagbibiyahe imbes na maging hilong talilong.


Ilang araw pa man bago lumipad, planuhin ang iba’t ibang aspekto: ang mga dalahin, pupuntahang lugar, hangganan ng gastusin, at bilang ng maaaring mabili. Kung bagong lugar o bansa ang patutunguhan, humingi ng payo sa mga kamag-anak o kaibigang nagawi na roon o dinggin ang tagubilin ng mga kababayang nag-vlog na ukol sa kanilang mga karanasan doon bilang biyahero. 


Sa paghahanda ng mga dadalhin, siyasatin kung ang ilalagay sa maleta ay talagang kakailanganin o sa bandang huli, ay magiging pandagdag-bigat lang pala at hindi man lang huhugutin mula sa pagkaempake. Maglaan din ng puwang sa bagahe para sa posibleng karagdagang kargada sa pabalik na paglalakbay. At upang maiwasan ang karanasang nailahad sa itaas, timbangin ang mga bagahe bago pa man lumarga mula sa kinatutuluyan.


Tiyakin din na laging madaling mabubunot ang iyong pitaka at pasaporte, at mag-ingat na hindi malalaglag ang mga ito mula sa sisidlan o mapipitik ng masasamang-loob. 


Alalahanin na maaari nang mag-online check-in, at mainam na magrehistro sa eGov na app bago pa man magtungo sa paliparan. Bukod sa mismong kahalagahan ng mga iyon ay ang maidudulot na kabawasan sa oras ng matagal na pagpila sa loob ng airport.


Dahil kaugalian nating mga Pilipino ang mag-uwi ng pasalubong, mainam ding mailista ang mga pasasalubungan at ang magugustuhan nilang bagay, upang hindi tayo mapabili nang labis o ng taliwas sa kanilang matitipuhan.


Magpasobra na rin ng bahagya para kung may makaligtaan ngunit nais din palang bigyan. Hindi naman kailangang maging marangya. Bukod sa pag-alam at pagtungo sa mga tindahan ng abot-kayang pampasalubong, kahit simpleng bilihin sa convenience store ay maaaring sapat na, lalo na kung ang wika sa lalagyan ay banyaga sa atin o sa ating pag-aalayan.


Kabilang pa sa mainam na paghahanda sa pagliliwaliw ay ang kahandaan sa diwa’t pangangatawan. Gaya ng abiso ng mga serbidor sa eroplano, unahin ang sarili, nang agaran, bago makatulong sa iba. At bukod sa sapat nating kain, tubig at tulog, malaking bagay din ang hustong sensibilidad para sa anumang punto ng pagbibiyahe. 


Sa kabila ng masigasig na paghahandang pansarili ay posible pa ring magkaaberya sa paglalakbay. Ngunit imbes na madismaya, mainis o mabahala, kumalma, huwag mataranta, maging mahinahon, mapagpasensya’t maintindihin. Halimbawa ay kung maantala ang paglarga dahil wala pa ang eroplano o may kailangang ayusin para rito. Imbes na masuya at magdabog ay magpasalamat sa dagdag-oras para maka-chill at sa magiging kapalit na kaligtasan. 


Kung may oras o lakas, lakarin ang kahabaan ng paliparan imbes na magwalkalator, upang maehersisyo kahit ang mga binti at paa bago ang mahabang oras ng pagkaupo sa biyahe. Isapuso sa bawat sandali ang ginintuang patakaran: Huwag nating gawin sa iba ang ayaw nating gawin nila sa atin. Manatiling mabait at hindi makulit o pabibo.


Iwasang maging maingay, manulak at sumingit. Sa pagkalapag ng eroplano, iwasang tumindig bago pa man patayuin ang mga pasahero. Magmagandang loob sa mangangailangan ng tulong, ngunit huwag ipilit ang kagandahang-asal sa sinumang tatanggi nito. At manukli ng pasasalamat kung tayo ang mabibiyayaan ng malaki o munting tulong o kabawasan sa sakit ng ulo.


Upang maging kasinggaan ng himpapawid ang biyahe, bakasyon at buhay, laging mag-iingat, hindi lamang para hindi mapinsala ang sarili kundi para hindi makasakit ng kapwa.

Hindi man natin magagawan ng paraan ang ilang abala sa biyahe, gaya ng makulit na pasahero, umiiyak na bata o ang matagal na pananatili sa ere, magagawa nating maging kontrolado ang sarili nang may panloob na kapayapaan at tahimik na dasal.


At sa gitna ng anumang gulo o salimuot sa pagbibiyahe, huminga nang malalim at ugaliing magmatyag: na minsan, ang nakabibinging ingay ay wala pala sa kapaligiran kundi nasa ating isipan.

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page