ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | September 21, 2020
Dear Doc. Shane,
Bakit ba nakararanas ng hirap sa pagtulog ang tao? Minsan, kahit pagod ako ay napakatagal pa rin bago ako makatulog o kaya kapag nakatulog ako at nalingat ng madaling araw, ang tagal na naman bago maibalik ang aking antok. Ano ba ang magandang sleeping pills? – Mercy
Sagot
Insomnia ang tawag sa kondisyon kung saan nakararanas ng hirap sa pagtulog o madaling maalimpungatan sa kalagitnaan ng pagtulog. Ang kakulangan sa tulog na dulot ng insomnia ay maaaring makaapekto sa pang-araw-araw na gawain o makaapekto rin sa kalusugan.
Ito ay maaring panandalian lamang na tumatagal ng ilang araw hanggang ilang linggo o pangmatagalan na umaabot ng isang buwan o higit pa.
Bakit nagkaka-insomnia ang indibidwal?
Nakararanas ng matinding stress
Epekto ng iba pang karamdaman
May kaganapan sa paligid tulad ng malakas na ingay, liwanag, matinding init o lamig
Side-effect ng iniinom na gamot
Pagbabago sa nakasanayang oras ng pagtulog
Depresyon
Sobrang pagkain sa gabi
Madalas na pag-inom ng inuming may caffeine at alcohol
Walang pinipiling edad o kasarian ang pagkakaroon ng insomnia ngunit ayon sa pag-aaral, mas mataas ng bahagya ang pagkakaroon ng insomnia sa kababaihan.
Ito ay maaring konektado sa pagbubuntis o sa pagsapit ng menopausal period sa kababaihan.
Mas mataas din ang posibilidad na magkakaroon ng insomnia kung:
Edad 60 pataas
May depresyon, bipolar disorder at nakararanas ng trauma
Pabagu-bago ang oras ng trabaho o may shifting schedule
Naglakbay nang matagal at nakararanas ng jet lag
Paano maiiwasan ang insomnia?
Baguhin ang sleeping habits, maaaring ito ang dahilan ng hirap sa pagtulog.
Bawasan ang pagkonsumo ng pagkain sa gabi o ilang oras bago matulog.
Siguraduhing uminom ng sapat na tubig araw-araw.
Sikaping magkaroon ng sapat na ehersisyo.
Magpakonsulta sa doktor nang sa gayun ay magrekomendahan ng behavioral therapy o maaaring magpareseta ng sleeping pills.
Tandaan: Bagama’t makatutulong ang sleeping pills, hindi ang pag-inom nito ang pangunahing solusyon na ipinapayo ng mga doktor sa pasyente. Maaari itong makapagdulot ng ibang epekto sa katawan tulad ng problema sa pag-ihi at pagiging antukin sa araw.
Comments