top of page
Search
BULGAR

Matinding pangangailangan, ‘di dahilan para gumawa ng ilegal!

ni Ryan Sison - @Boses | April 19, 2021



Habang patuloy ang distribusyon ng ayuda sa iba’t ibang panig ng bansa, partikular sa NCR Plus bubble na sumailalim sa enhanced community quarantine kamakailan, kani-kanyang asa pa rin ang mga residente na makatanggap nito.


‘Yun nga lang, ang diskarte ng iba ay hindi tama kaya sa halip na makatanggap ng tulong-pinansiyal, eh sa kulungan ang bagsak.


Ganito ang nangyari sa siyam na residente ng Bgy. 649 sa Baseco, Maynila matapos madiskubreng gumamit ng pekeng ID upang makakuha ng ayuda.


Ayon sa officer-in-charge ng Manila Department of Social Welfare Baseco Satellite Office, naghinala sila nang hindi masagot ng isang nagpresenta ng ID kung ano ang kanyang middle name at kaarawan at nang matapos ang pagsusuri, nadiskubreng peke rin ang dalang ID ng mga kasunod sa pila ng unang nagpresenta ng fake ID.


Gayunman, ayon sa mga awtoridad, isang grupo ang nasa likod ng modus, kung saan ang siste, mapupunta sa pumila ang P1,000 habang P3,000 naman ang mapupunta sa grupo.


Habang mahaharap ang mga suspek sa kasong estafa at falsification of documents, nagbabala ang mga awtoridad sa mga magbabalak kumuha ng ayuda gamit ang pekeng dokumento na mas magiging mahigpit na ang verification process ng lahat ng pipilang residente.


Nakadidismaya dahil para sa pera, maraming napipilitang gumawa ng ilegal. Marahil, may kani-kanyang pangangailangan, pero hindi sapat na dahilan ito para manloko.


Napakarami riyang naghahangad na makatanggap ng tulong pero ‘di nabibigyan, tapos kayong masasamang loob, patuloy sa paggawa ng ilegal.


Sana’y magsilbi itong babala at paalala sa lahat na sa kabila ng hirap ng buhay, piliin pa rin nating maging tapat sa lahat ng pagkakataon.


At pakiusap sa mga kinauukulan, ‘wag hayaang makalusot ang mga ganitong modus dahil baka sa halip na mapunta sa mahihirap na pamilya ang perang inilaan sa kanila ay maibulsa pa ng mga halang ang bituka.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page