ni Ryan Sison @Boses | Mar. 18, 2025

Hindi lamang kalusugan ng mga tao ang apektado ng matinding init na nararanasan ngayon. Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), malaki rin ang epekto nito sa ating mga fishpond at fish farm.
Isa sa pangunahing problema ay ang pagbaba ng dissolved oxygen sa tubig, na mahalaga sa paghinga ng mga isda, partikular na ang bangus at tilapia. Kapag mataas ang temperatura, bumababa ang lebel ng oxygen sa tubig, na nagdudulot ng stress at pagkakasakit ng mga isda. Hindi rin ligtas ang mga seaweed sa dagat sa sobrang init na tumatama sa kanila, at nakakaapekto ito sa kabuhayan ng mga mangingisda.
Sa kabila ng mga hamong ito, may mga paraan upang maiwasan ang mas matinding epekto ng init sa aquaculture. Ayon sa BFAR, mahalaga ang pagsunod sa tamang proseso ng pag-aalaga ng isda o good aquaculture practices.
Isa na rito ang pag-iwas sa overstocking o ang paglalagay ng sobrang dami ng isda sa fishpond. Kapag masyadong marami ang isda sa isang lugar, mas bumababa ang oxygen sa tubig na kinakailangan ng mga ito upang mabuhay. Bukod dito, dapat ding iwasan ang labis na pagpapakain. Kapag hindi naubos ng isda ang pagkain, ito ay magiging organic matter na magpapababa ng kalidad ng tubig.
Ang regular na pag-monitor ng kalidad ng tubig at pag-obserba sa kilos ng mga isda ay mahalaga rin, isang indikasyon na kailangan ng agarang pansin – kung ito ay nagkumpul-kumpol sa gilid ng fishpond o umaangat ang ulo sa tubig, ibig sabihin nito mababa na ang oxygen sa tubig. Bilang kagawaran na nangangalaga sa sektor ng pangisdaan, handa ang BFAR na magbigay ng technical assistance sa mga may-ari ng fishpond at fish farm upang masiguro ang kaligtasan ng kanilang mga alagang isda.
Ngayong panahon ng tag-init, mahalaga ang kooperasyon ng pamahalaan at mga negosyante sa aquaculture upang maiwasan ang malaking pagkalugi at maagapan ang mga isda na magkasakit. Ang pagsasagawa ng tamang proseso at regular na pagmo-monitor ng tubig ay makakatulong para mapanatiling malusog at ligtas ang ating mga isda at mga yamang-dagat.
Dahil sa tindi ng init, hindi lang tayo ang labis na naaapektuhan kundi pati na rin ang mga hayop, kaya kinakailangan din ng sapat na atensyon sa kanila upang hindi sila tamaan ng sakit at huwag humantong na sila ay mamatay.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments