ni Bey Ong - @What's In, Ka-Bulgar | September 29, 2020
![](https://static.wixstatic.com/media/2fdd27_4a43ec2ab6924812a88842ad048fcea1~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/2fdd27_4a43ec2ab6924812a88842ad048fcea1~mv2.jpg)
Maganda, mayumi at marikit.
Katangian niyang kaakit-akit.
Sa pulang labi dahil sa lipstik.
Siguradong ika'y mapapaibig.
Buhok na madulas at makintab.
Ang iyong puso ay mabibihag.
Sa pilik-matang kay gara.
Lahat ay mapapahanga.
Kay ganda talaga ni Maria,
taglay ang yuming mapanghalina.
Kahit sino ang makakakita,
bilanggo agad sa paghanga.
Si Maria, malinis at busilak
basal at ‘di nagpapanggap.
Siya ay simbolo sa lahat,
Babaeng sa lahat ay angat.
Subalit, panahon ay lumipas,
mga ulap sa kalangitan, kumupas.
Ang dating Maria ngayon ay may tikas.
Malakas na si Maria, ‘di tulad ng dati
May tapang na at hindi papahuli.
Si Maria, may tinig nang may lanog.
Na sa malayong ibayo ay aabot.
Dahil ang dating tinakot ng himutok.
Maaabot din ang ninanasang tuktok.
Ang galing ni Maria ay hinubog
ng panahong siya ay nilubog.
Nilubog sa kababawan ng isip,
sa pagtanggap na ninanais.
Ang buhok niyang madulas ay tumigas
at ang pulang mga labi ay kumupas.
Ang mahahabang pilik-mata,
binihisan ng bangis na kakaiba.
Nagbago ang dating mayumi,
napalitan ng siklab na matindi.
Ang dating binusabos at inaapi,
katapangan ngayon winawaksi.
Si Maria ay si Maria, mawala man ang saya.
Mananatili ang katauhan niya,
magbago man ang bihis niya,
huwag mo siyang harangan
daan mo ay maari niyang lakaran.
'Wag na 'wag mong husgahan
dahil kaya niya ring humakbang.
Hakbang na katumbas ng iyong yapak
Kaya maging maingat ka, Juan.
Si Maria ay kaya kang tapatan.
Hindi na siya puwedeng basta hubaran.
Ito ang hubad na katotohanan.
Kung iginagalang mong ang iyong ina.
Igalang mo rin kahit ang matikas na Maria.
Comments