ni Zel Fernandez | May 13, 2022
Nai-release na ang nakalaang P7.3 bilyong alokasyon para sa mid-year bonus ng mahigit 222,000 tauhan ng PNP, ayon sa anunsiyo ni Philippine National Police Officer in Charge PLt. General Vicente Danao, Jr.
Pahayag ni Danao, ang nabanggit na halaga ay galing umano sa regular na budget appropriation ng PNP ngayong taong 2022.
Kaugnay nito, ibinalita ni PNP Finance Service Director BGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. na ang bonus na katumbas ng isang buwang basic pay ay matatanggap na ng kapulisan sa kanilang Landbank ATM Payroll Accounts sa darating na Mayo 17.
Gayunman, ipinaliwanag din ng mga opisyal na anumang bonus na lalagpas sa P90,000 ay papatawan umano ng kaukulang withholding tax, sang-ayon sa alituntunin ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Danao na ang mga tauhan ng PNP na nahatulang guilty sa kasong kriminal o administratibo sa loob ng fiscal year 2022 ay hindi kabilang sa mga makatatanggap ng bonus.
Comments