@Editorial | August 15, 2021
Nakaaalarma ang ulat na dumarami ang bilang ng mga bata na tinatamaan ng COVID-19.
Sa isang siyudad sa Metro Manila, apat na beses umano ang itinaas sa bilang ng mga batang nagka-COVID sa loob lamang ng isang buwan.
Isa sa mga posible umanong dahilan ng pagkalat ng impeksiyon ay ang maling pamamaraan ng pag-quarantine ng mga magulang o mga nakatatanda na positibo sa virus.
Napag-alamang mas pinipili nilang mag-home quarantine kahit may sintomas ng COVID-19 at hindi rin ipinapaalam sa kinauukulan.
Ang dahilan ng iba, natatakot silang mas lumala ang kondisyon, maospital at hindi na makauwi. Habang may iba namang inirereklamo ang mismong pasilidad na umano'y masikip, marumi, walang sapat na bentilasyon, sa madaling salita, hindi komportable.
Kaya kahit ipinagbabawal ang pananatili sa bahay kasama ang pamilya, todo-tago na lang ang ginagawa ng mga pasyente.
Hanggang sa ito na ang resulta, maging ang mga menor-de-edad ay nahahawa. Ang masaklap, may pagkakataong nagiging mas grabe ang kanilang lagay sa virus.
Talagang wala nang pinipiling edad ang virus.
Kaya ang apela sa nakatatanda, huwag nang matigas ang ulo. Huwag ipagsapalaran ang kaligtasan ng mga bata.
Pakiusap din sa mga awtoridad, mas bigyang-pansin sana ang ating mga quarantine facility.
Kung makikita ng publiko na safe at maayos ang kanilang paglalagian, hindi na nila ipagpipilitang magpagaling sa bahay.
Sa kabuuan, ang pandemya ay laban ng lahat, hindi ito biro na basta na lang dededmahin. Kailangan itong seryosohin para matapos na at wala nang buhay na mawala.
Comments