ni Jasmin Joy Evangelista | September 25, 2021
Mayroong payo ang isang doktor tungkol sa paglabas ng bahay sa kabila ng bagong polisiya sa pagsusuot ng face shields.
Matatandaang inaprubahan ni Pangulong Duterte na hindi na kailangang magsuot ng face shields sa open areas.
Ito ay isusuot na lamang sa matataong lugar o mga nasa 3C category, at sa mga high risk na lugar gaya ng mga ospital.
Ayon kay Dr. Maricar Limpin, pangulo ng Philippine College of Physicians, na magandang isuot na rin ang face shield bago umalis ng bahay para hindi ito malimutang dalhin kung pupunta sa mga matataong lugar.
Mahalaga rin daw na linisin ang face shield dahil may pagkakataong puwede ring magkaroon ito ng virus.
"Importante ‘di ba pinipigilan natin yung masyadong paghahawak at kung maghahawak kayo kailangan immediately maglagay kayo ng alcohol o hand sanitizer or mas maganda maghugas ng kamay with soap and water," ani Limpin.
Kung hindi naman makakapagsuot ng face shield, inirekomenda ni Limpin na mag-double mask o gumamit ng N95 mask.
Samantala, patuloy pa rin na hinimok ng DILG ang mga tao na patuloy na magdala ng face shields tuwing lalabas ng bahay.
Nakatakdang magbalangkas ng mga panuntunan ang mga awtoridad tungkol sa mga “3C areas."
Comments