Matapos ‘di dumalo sa interview ni Jessica Soho… Marcos: “Hindi ako duwag”
- BULGAR
- Jan 25, 2022
- 2 min read
ni Jasmin Joy Evangelista | January 25, 2022

Nagsalita si presidential aspirant Bongbong Marcos hinggil sa kumakalat na hashtag sa social media na #MarcosDuwag matapos nitong hindi paunlakan ang imbitasyon sa interview ni Jessica Soho sa mga nangungunang kandidato sa pagka-pangulo sa bansa.
Aniya, hindi siya duwag matapos na piliing hindi dumalo sa naturang programa ng veteran journalist na si Jessica Soho na ayon sa kanya ay ‘biased’. Ang naturang interview ay dinaluhan ng kanyang fellow presidential aspirants—Senators Panfilo Lacson at Manny Pacquiao, Manila City mayor Isko Moreno, at Vice President Leni Robredo.
“Siguro naman sa pinagdaanan ko sa buhay, maliwanag naman na hindi ako duwag na tao,” ani Marcos sa interview ng One News PH.
Sinabi ni Marcos na handa siyang harapin ang mga debate basta ang diskusyon ay naka-focus sa mga bagay na mahalaga para sa taumbayan.
“Lahat naman hinaharap ko eh, basta ang mahalaga sakin ay pag-usapan natin kung ano ang iniisip, ano ang inaalala, kung ano ang importante sa taumbayan—‘di sa mga pulitiko, hindi sa mga partido, hindi sa mga kalaban, hindi sa kakampi,” pahayag pa ni Marcos.
“Kailangan wag nang pulitika ang pag-usapan at may eleksyon naman na tayo. Made-decide yan pagdating ng eleksyon. Kaya ang mahalaga ay pag-usapan ang mga bagay na top of mind ng ating mga kababayan,” dagdag niya.
Aniya pa, ang mga diskusyon ay dapat nakasentro sa mga plano at plataporma ng mga kandidato sakaling manalo sa pagka-pangulo, at hindi na dapat pang inuungkat ang nakaraan.
“’Di na tayo babalik sa mga issue, na 35 yrs old na mga issue. Na-decide na yan eh. So puntahan natin itong mga bagong problema na hinaharap natin ngayon,” ani Marcos.
Iginiit din ni Marcos na si Soho ay isang ‘biased’ na journalist sa ginawa nitong interview. Dagdag pa niya, ‘anti-Marcos’ si Soho dahil sa trato nito sa kanila.
“Pinagbabasehan ko lang yung karanasan ko, ‘yung experience ko in the last few years, hindi lang ako, pati na ‘yung kapatid ko, pati na basta may kinalaman sa Marcos, talagang may bias talaga, ang pakiramdam ko,” giit ni Marcos.
Comments