ni Lolet Abania | February 8, 2022
Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng isang non-serious adverse event, na isang batang lalaki, matapos ang pilot rollout ng pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga kabataang edad 5 hanggang 11, kahapon.
Ginawa ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje ang anunsiyo, isang araw makaraan ang vaccination ng naturang age group sa National Capital Region (NCR) nitong Lunes, kung saan agad ding nakarekober nang araw na iyon ang batang lalaki.
“There is one non-serious adverse event on an 11-year-old male from Parañaque, namantal iyong braso at kamay after the vaccination,” sabi ni Cabotaje sa Laging Handa briefing ngayong Martes.
“Pero na-resolve rin iyong rashes nu’ng araw na iyon,” dagdag ng opisyal.
Gayunman, hinimok pa rin ni Cabotaje ang mga magulang at guardians na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa COVID-19.
“Children can get sick with COVID-19, can get hospitalized because of it, or even die because of it. They need to be vaccinated for extra protection, so that if ever they catch the virus, it will just be a mild case or they will be asymptomatic,” punto ni Cabotaje.
“Clinical trials in the United States have shown this COVID-19 vaccine's efficacy rate for children is at 90.7%, and our experts agree. Children need these so they could also go outside because it would be detrimental for them if we keep them inside houses for much longer,” sabi pa niya.
Sa ngayon, mayroon nang 780,000 doses ng COVID-19 vaccines para sa mga batang edad 5 hanggang 11, at ang suplay nito ay inaasahan pang aabot sa 5 milyon doses bago matapos ang Pebrero.
Samantala, ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire may kabuuang 9,784 minors na edad 5 hanggang 11 ang nabakunahan kontra-COVID-19 sa 32 sites sa unang araw ng rollout nito.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 43 sites na nakalaan para sa pediatric vaccination.
Sinabi ni Vergeire na target ng gobyerno na mabakunahan ang 15.5 milyong bata, kung saan nasa tinatayang 500,000 ang naka-register na para sa vaccination sa apat na rehiyon.
“Nais po namin magpasalamat dahil maliban sa proteksyong hatid niyo sa inyong mga anak, karagdagang proteksyon po ito para sa inyong mga kapamilya at mga komunidad na kinakabilangan,” sabi ni Vergeire sa isang media briefing.
Inanunsiyo rin ni Vergeire na mahigit sa 9.2 milyong kabataan edad 12 hanggang 17, ang bakunado na laban sa COVID-19.
Ayon pa kay Vergeire wala namang nai-report na nasawi sa mga naturang age group matapos ang pagbabakuna, gayunman, nakapag-record ang gobyerno ng mga kaso ng myocarditis at pericarditis na iniimbestigahan na rin ng ahensiya.
Comments