ni Maeng Santos | April 6, 2023
Nasawi ang apat na manggagawa sa isang printing office matapos sumiklab ang sunog sa kanilang tanggapan sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.
Hindi muna pinangalanan ni Valenzuela Fire Marshal Supt. Ana Mae Legaspi ang apat na kalalakihang namatay nang ma-trap makaraang sumiklab ang sunog sa pinaglilingkurang printing press sa Bgy. Ugong, sa naturang lungsod.
Sa panayam kay FO1 Kim Alnas ng Valenzuela Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog alas-3:57 ng hapon matapos marinig ang isang malakas na pagsabog na sinundan ng mabilis na pagsiklab ng apoy.
Mabilis namang nakapagresponde ang mga bumbero ng Valenzuela BFP, pati na ang ilang fire volunteers kaya agad ding nakontrol ang apoy na umabot sa unang alarma bago tuluyang naapula alas-4:35 ng hapon.
Inaalam pa ni Arson investigator FO2 Paul Fajardo ang dahilan at pinagmulan ng pagsabog at pagsiklab ng apoy na tumupok sa hindi pa batid na halaga ng ari-arian.
Agad namang nagtungo si Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, kasama ang opisyal at kawani ng City Social Welfare and Development Office sa pinangyarihan ng sunog, upang makiramay at maghandog ng kaukulang tulong sa naulilang pamilya ng mga nasawi.
Comments