ni Lolet Abania | May 14, 2022
Hindi maikakaila na nagsisimula pa lang ang eleksyon, aktibo na ang mga Pinoy, kahit pa may COVID-19 pandemic. Mapa-bata o matanda, kani-kanyang pagdalo sa mga rally at miting de avance ng kanilang mga manok na sinusuportahan at talagang naipakita ng lahat ang pagiging makabayan. Subalit matapos ang botohan, tila nagkalamat ang dating magandang samahan ng bawat isa.
Umusbong ang pagkadismaya at kung iisipin ay unti-unting nabuo ang galit sa puso natin.
Kaya ang tanong, matapos ang halalan, paano nga ba maibabalik ang masayang samahan sa ating mga kaibigan o kapamilya? Narito ang ilang hakbang:
1. MAGPATAWAD AT GAMUTIN ANG MGA SUGAT. Labis na sakit sa pamilya, magkakaibigan, maging sa magkakatrabaho ang iniwan ng eleksyon. May naghiwalay na mag-asawa, nag-away na magpinsan, magkapatid at nagbangayan pang magkabitbahay sa dahilang magkaiba ang kanilang sinusuportahang kandidato. Tapos na ang batuhan ng masasakit na salita, ito na ang panahon ng paghingi ng tawad at pasensiya, para anumang sugat na idinulot ng binitawang salita ay magamot at maghilom nang tuluyan. Matuto na rin sana tayong magpatawad gaya ng pagpapatawad ng Diyos sa atin.
2. TANGGAPIN ANG RESULTA AT MAG-MOVE ON. Isang Latin phrase na nagsasabing, “Vox populi, vox Dei,” na ang ibig sabihin, “The voice of the people, (is) the voice of God”. Madalas, ang boses ng nakararami ang nagiging sagot at nananaig sa mga kompetisyon. Lumabas na ang resulta ng botohan, puwedeng ang napili nating kandidato ay nanalo o natalo. Alinman sa dalawa, matuto tayong tanggapin at ipagpatuloy ang ating buhay. Maaaring buong magdamag tayong umiyak, subalit dapat na maging masaya na rin pagdating naman ng bukas.
3. MAGTIWALA SA SOBERANYA NG DIYOS. Batid ng Diyos ang lahat ng nangyayari sa isang bayan o bansa at walang nalilingid sa Kanya. Hawak Niya ang lahat ng Kanyang nilikha, may buhay man ito o wala. Siya rin ang nagbibigay ng karunungan sa matatalino at kaalaman naman sa may pang-unawa. Dapat nating mabatid na ang Diyos ang naglalagay at nag-aalis ng mga hari o lider, kahit na iniluklok na ito ng taumbayan. Marami nang pagkakataon na nangyari ito sa ating bayan, naihalal na, saglit na namuno, subalit naalis din sa puwesto. Hindi Niya kailanman papayagan na malugmok ang bayan dahil sa hindi tamang namumuno. Kailangan nating magtiwala sa Kanyang kapangyarihan dahil hawak Niya ang puso ng isang pinuno.
4 PASAKOP SA NAIHALAL NA GOBYERNO. Bawat indibidwal ay dapat magpasakop sa mga lider ng pamahalaan, dahil walang pamahalaan na hindi nagmula sa Diyos. Siya ang nagtatag ng mga gobyernong umiiral, kaya ang lumalaban dito ay lumalaban na rin sa itinakda ng Panginoon.
Hindi madali, madalas pa na nabubuo ang pagrerebelde sa ating puso, lalo na kung sa tingin natin may anomalya na nangyari. Ang mga bagong lider ng bansa ay naitakda na dahil sila ang mga naihalal ng nakararami. Sakali mang may paglabag na ginawa ang mga lider na ito, hindi sila makakatakas sa batas dahil may parusang naghihintay sa kanila. Mas gugustuhin ba natin na mamuhay tayo na puno ng galit at pagrerebelde? Ipayapa natin ang ating puso at isip habang ginagawa natin ang tama at mas mabuti para maging masaya ang takbo ng ating buhay.
5. IPANALANGIN ANG MGA LIDER AT PAMAHALAAN. Sa pagkakaroon ng maunlad, tahimik at payapa, marangal at maayos na pamumuhay, mas mainam na ipanalangin natin ang ating mga bagong lider at lahat ng may mataas na tungkulin sa gobyerno. Sa halip na isumpa-sumpa natin sila, mas mabuting ipagdasal natin ang lahat ng ating lider at pamahalaan dahil kapag sila ay nagtagumpay, siguradong kasama rin tayong magtatagumpay at ang ating bayan.
Sa kabuuan, punuin natin ang ating puso ng pagmamahal. Isa lang ang ating bansa, anuman ang mangyari, magkakasama tayong mamumuhay dito. Piliin nating maging tahimik at may pagkakaisa, hindi tulad ng ibang mga bansa na watak-watak kahit pareho naman ang kanilang kulay, marahil dahil ito sa hindi nila pagkakaunawaan.
Tandaan, tayong lahat ay lahing Pilipino, may pagmamahal sa kapwa at sa bayan.
Gets mo?
Yorumlar