ni Julie Bonifacio - @Winner | September 22, 2020
Nasa post-production na ang bago at katatapos lang i-shoot na pelikula ng produksiyon ni Harlene Bautista na Heaven's Best, ang My First and Always (Luis Hearts Luisa) sa direksiyon ni Louie Ignacio.
Five days nag-lock-in ng shooting sa Pagsanjan, Laguna ang buong cast na pinangungunahan ng Kapuso stars na sina Ken Chan at Rita Daniela, Lotlot de Leon at Richard Yap.
Kuwento ni Harlene sa aming tsikahan with Ateng Janice delos Santos-Navida sa Bulgar's online show na #CelebrityBTS Bulgaran Na last Saturday, 11 AM, "Romance-light drama siya. Ang RitKen ang napili namin for the movie kasi may chemistry sila, on-and-off screen. Uh, very consistent sila. 'Yung talagang mapapa-ano ka na, 'Ay, sana, sila na lang (sa totoong buhay),' 'yung ganu'n."
Sinunod daw nila lahat ng protocols na ipinag-utos sa guidelines. Bago pumunta ng shooting ang staff and cast ay nagpa-swab test muna ang lahat. Meron silang health officer na nasa set. Kumpleto sa sanitation at every four hours ay nagpapalit daw sila ng mask.
So, you can just imagine kung gaano kagastos mag-shoot ng movie ngayon. Kaya tinanong namin si Harlene kung ano ang inspiration niya sa pag-push na magawa ang movie.
"Kasi, ilang buwan na, eh, five months. August kasi kami nag-shoot. Five months nang naghihintay ang mga tao kung magkakatrabaho ba? Five months na naghihintay ang audience kung ano ba? May bago ba tayong mapapanood o online na lang talaga?
"So, nangahas ang Heaven's Best na parang gumawa ng pelikula kahit may mga ganyang challenges para mabigyan naman tayo ng sense of normalcy, mabigyan naman tayo ng hope. Kahit nand'yan ang covid, kailangan lang na meron tayong sundin na protocol. Kailangan lang sa sinehan, social distance. Kailangan nating tumuloy ang buhay. Hindi tayo puwedeng maghintay na lang kung kailan mawala ang covid. Eh, kailan? Kailan tayo magsisimula ulit, 'di ba? So, naisip namin na, now's the time."
Pinag-iisipan pa raw nila kung isasali nila sa 2020 Metro Manila Film Festival ang My First and Always. As it is, puwede naman nilang isali at aabot sila sa deadline. Sa October pa kasi ang deadline of submission ng entries for the December filmfest.
As for Richard Yap naman, special and personal request ni Harlene ang tsinitong aktor para sa latest movie ng Heaven's Best.
"Ipinahanap ko siya kasi bagay na bagay siya roon sa role. Father siya ni Ken. Talagang pinilit ko talaga na mapaoo si Richard Yap. And we're really, really very happy and thankful kay Richard dahil tinanggap niya ang aking imbitasyon," nakangiting sabi ni Harlene.
But sad to say, hindi nagkita sa set ang producer at ang tsinitong aktor. Nagkasalisi raw kasi sila nu'ng papunta na si Harlene sa set, paalis naman si Richard.
Pero nagkakatsikahan naman daw sila online. May binuo raw kasi na group chat sa net sina Direk Louie at nandoon lahat ng members of the cast and staff ng My First and Always.
Comments