ni Justine Daguno - @Life and Style | August 1, 2020
Kabilang ka ba sa taong puyat is life o palaging kulang ang tulog?
Marami sa atin ang nagtataka kung bakit kahit nasa bahay lamang ay tila hindi pa rin maganda ang kanilang pakiramdam. Paliwanag ng mga eksperto, ang kakulangan ng pagtulog ay maaaring magdulot ng hindi magandang epekto sa ating kalusugan.
Sa panahon ngayon na maraming nauusong sakit, napakahalagang mayroon tayong malusog na pangangatawan at isa sa mga paraan upang mapanatili ito ay ang pagkakaroon ng sapat na pahinga.
Ang kakulangan sa pagtulog ay maaaring magdulot ng mga sumusunod:
1. Pagtaas ng timbang. Kapag kulang sa tulog ang tao, nagugulo o nawawala sa balanse ang mga chemicals nito sa utak. Isa sa mga epekto nito ay madalas magke-crave sa pagkain o nag-o-overeat. Ang masaklap pa, ito ay maaaring humantong labis na katabaan at iba pang panganib sa kalusugan na may kaugnayan sa pagiging sobra sa timbang.
2. Nakabababa ng libido. Isa sa mga epekto ng kakulangan sa pagtulog, partikular sa kalalakihan ay ang kawalan ng gana sa pakikipagtalik o sex drive. Ito ay dahil bumababa ang kanilang testosterone levels.
3. Diabetes risk. Maaari ring maapektuhan ng sobrang pagpupuyat ang pagpapalabas ng insulin ng ating katawan. Ang insulin ay hormone na kinakailangan upang ayusin ang antas ng asukal sa dugo. Kapag hindi sapat ang tulog ng isang tao, malaki ang tsansa na mas mataas na antas ng asukal sa dugo ang mailalabas ng katawan at delikado itong mauwi sa Type 2 diabetes.
4. Nakapagpapahina ng immunity. Ang kakulangan sa pagtulog ay maaaring makaapekto sa kakayahan ng immune system na labanan ang mga virus na nagdudulot ng sipon, trangkaso at iba pang mga impeksiyon.
5. Mood swings. Ang mga taong kulang sa tulog ay maaari ring magkaroon ng pabagu-bagong emosyon o mood swings. Mas madali silang mairita, maging moody at emosyunal kahit pa sa maliit na bagay lamang kumpara sa mga taong nakatulog ng walo o higit pang oras. Kung ito ay magpapatuloy, maaari itong humantong sa anxiety at depression.
6. Kawalan ng konsentrasyon at pokus. Maaari ring maapektuhan ng sobrang pagpupuyat ang problem-solving skills, konsentrasyon at creativity. Dagdag pa ng mga eksperto, ang mga taong madalas kulang sa tulog ay mataas ang tsansa na mas humina ang memorya. Kapag natutulog ang tao, ang utak ay bumubuo ng mga koneksiyon na makauttulong upang maproseso at makatanda ng iba’t ibang impormasyon.
Bawat isa ay may iba’t ibang dahilan kung bakit hindi agad nakakatulog o hirap sa pagtulog.
Sa kabila ng mga ito, tandaan na ang ating katawan ay nangangailangan ng sapat na pahinga, kaya alamin natin ang mga paraan upang mabago ang ating sleeping routine.
Kung puwedeng mag-research sa internet ay gawin at kung kailangan ng professional seek, wala rin namang problema. Okay?
Comments