top of page

Mataas na bilang ng mga Pinoy na illiterate, nakakabahala

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 hours ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Apr. 29, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Lumabas ngayong buwan ang resulta ng 2024 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS), kung saan lumilitaw na sa bawat 10 Pilipinong may edad na 10 hanggang 64, pito rito ang functionally literate. Ibig sabihin, pito sa 10 Pinoy ang kayang bumasa, sumulat, umunawa, at mag-compute. 


Bagama’t itinuturing natin itong magandang balita, lumalabas sa ating pagsusuri na marami pa tayong mga hamong dapat harapin upang masugpo ang illiteracy sa ating bansa. 


Ayon sa resulta ng FLEMMS, pinakamataas ang bilang ng mga Pilipinong illiterate sa mga may edad na lima hanggang siyam. Batay din sa FLEMMS, dalawa sa kada 10 o 20.1 percent ng mga Pilipino sa age group na ito ang hindi marunong bumasa o sumulat. 


Nakakabahala ang datos na ito dahil lumalabas na ang ating mga kabataan ang pinakaapektado ng illiteracy. Ang pagbabasa, pagsusulat, at pagbibilang ang mga pundasyon ng mga mag-aaral. Kung mahina ang kanilang pundasyon, maaapektuhan nito ang kanilang kakayahang unawain ang mga mas kumplikado nilang aralin. Apektado rin ang kanilang kakayahang magkaroon ng maayos na hanapbuhay at makilahok sa mga gawaing panlipunan. 


Nakita rin natin sa FLEMMS ang pagkakaiba ng mga rehiyon pagdating sa functional literacy. Bagama’t 70.8% ang naitalang functional literacy sa buong bansa, 14 sa 18 rehiyon sa bansa ang nakapagtala ng mas mababang porsyento ng mga kababayan nating maituturing na functionally literate. 


Malinaw na marami pa tayong dapat gawin upang makamit ang zero illiteracy sa ating bansa.  Una, kailangang tiyakin ng sistema ng edukasyon na nakakamit ng ating mga mag-aaral ang literacy at numeracy sa pagtatapos ng Grade 3. Bahagi ito ng pagpapatatag natin ng kanilang pundasyon at pagsugpo sa education crisis. 


Mahalaga rin ang papel ng mga local government units (LGUs) dahil mas malapit sila sa ating mga kababayan at mas mabilis nilang natutugunan ang pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan. 


Kaya naman sa inihain nating National Literacy Council Act (Senate Bill No. 473), iminumungkahi nating italaga ang mga Local School Board bilang de facto local literacy councils. Magiging mandato sa kanila ang bumuo ng mga local roadmap upang masugpo ang illiteracy sa kanilang mga komunidad.


Dapat ay patuloy nating paigtingin ang pakikilahok ng ating mga komunidad upang matiyak na nakakabasa, nakakapagsulat, nakakapagbilang, at may kakayahang umunawa ang mga kababayan. Patuloy naman nating isusulong ang mga reporma upang wala sa mga kababayan ang mapag-iwanan dahil sa kawalan o kakulangan ng matibay na pundasyon.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page