top of page
Search
BULGAR

Masyonda na raw, ayaw nang dagdagan…JOEY, 16 ANG ANAK SA IBA'T IBANG NANAY, SAMA-SAMA SA ISANG BAHAY

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | June 22, 2021





“'Wag kayong makikipagkumpitensiya sa mga anak ko, matatalo kayo,” ito ang laging sinasabi ni Joey "Tsong" Marquez sa mga nakakarelasyon niya na dahilan kung bakit siya nakikipaghiwalay.


Si Joey ang latest guest ng talent manager at vlogger na si Ogie Diaz sa kanyang YouTube channel.


Sa kasalukuyan ay 16 ang anak ni Tsong Joey. Tanong ni Ogie, posible pa ba itong madagdagan?


“Medyo unfair na sa bata kasi magte-10 years old, otsenta na ako, hindi ko na kaya,” diretsong sagot ng komedyante.


Dagdag pa nito, “Desisyon ko na (itigil na) kasi masyado na akong may-edad para magkaanak pa. Baka hindi ko na abutin ang pagka-binata o pagka-dalaga niya. Gusto kong maabutan pa ‘yung mga apo ko, eh.”


At lahat ng 16 na anak ni Joey ay nasa poder niya, nasa iisang bahay sila.


“Siyempre!” mabilis na sagot ni Tsong.


“Siguro, alam ng mga nanay nila na maalaga ako talaga sa bata at parati ko kasing sinasabi nu’ng karelasyon ko sila na, ''Wag kayong makikipagkumpitensiya sa mga anak ko, matatalo kayo. Mali man o tama ang mga anak ko, mga anak ko ang pipiliin ko,'” paliwanag ni Joey.


Bakit 'yun ang rason niya?


“Kasi mga anak ko, dugo ko ‘yan at kailangan nila ako. Hindi sila mabubuhay kung kahit paano, wala sa kalinga ko. Hindi ko sila puwedeng ipagpalit kahit kanino.”


Wala naman daw kumontra sa sinabing ito ni Joey at kung mayroon man ay hindi sila nagtagal.


Sa tanong ni Ogie kung may selosan sa mga anak niya, “Wala naman. Saka sa mga anak ko, there’s no such thing as half-brother, half-sister. It’s either brother or sister lang. Ang kagandahan, very protective sila sa isa’t isa. At kapag magkakasama kami, parang lahat sila, iisa lang ang pinanggalingan ng dugo, sa akin lang talaga lahat.


“So, walang discrimination na 'Sa iba kang anak,' walang ganu’n. Saka close silang lahat at nagko-communicate sila, iyon ang maganda,” pahayag ni Tsong.


Hindi ba siya nalilito sa pangalan ng mga anak niya?


“Hindi naman. Minsan, kapag nagmamadali ako, natawag ko na lahat ng pangalan, saka pa lang tama sa dulo."


Isa pang rebelasyon ni Joey na kahit hiwalay na siya sa mga nanay ng mga anak niya ay tinutulungan pa rin niya.


“Oo, kasi kailangan, masaya ang mga anak ko. Mga anak ko ang napasaya ko (hindi ang ina nila),” kuwento ni Joey, at maraming beses na raw nangyari ito.


Dagdag pa, “Sasabihin ng anak ko, ‘May problema si Mommy, eh.’ Alam ko na (sabay bunot ng pera). Hindi man makatulong nang sapat, gusto ko kasi, ayaw kong magdamdam ‘yung anak ko at mamroblema siya sa magulang nila at kasama na rin dito ‘yung paggalang ko sa mga nanay na hindi porke't hiwalay na kayo at hindi na kayo magkasama, hindi ka na dapat nag-iisip para sa kanila.”


At 'pag nabura na raw sa mundo si Joey ay nai-prepare na niya ang kung anumang para sa mga anak niya.


“Oo, kasi ako ‘yung taong hindi maluho. Hindi ako mahilig maglalabas, hindi ako mahilig bumili ng kung anu-ano. Hangga’t maaari kasi, ipon lang ako nang ipon. Hindi para sa akin kundi kahit paano, may maiwan ako para sa mga anak ko. Kasi alam ko, magiging magulang sila at ayaw kong mamroblema pa sila para sa mga anak nila,” pagtatapat ni Joey.


Inamin din niyang mayroon na siyang Last Will and Testament.


“Oo, nandoon lahat ang pangalan nila at ang nakakaalam nu'n, ate (Via) ko. Kasi siya ‘yung nagsabi na ‘Joey, mga anak mo, pantay-pantay, ha? Walang peybo-favorite diyan.’"


'Yun naman pala!

0 comments

Commenti


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page