ni Lolet Abania | May 16, 2022
Nagsalita na ang Queen of all Media na si Kris Aquino hinggil sa estado ng kanyang kalusugan sa harap ng maraming kumakalat na maling impormasyon tungkol sa kanya sa social media.
Sa Instagram post ni Kris ngayong Lunes, mariing pinabulaanan niya ang ilang social media post na nagsasabing nakaratay siya sa ospital, o dinala sa ICU, o mamamatay na. “Masyado kayong advance. I’m not yet dead. I’m going to fight to stay alive,” sabi ni Kris.
Sa video post, sinabi ulit ni Kris ang plano niyang pagpapagamot sa ibang bansa. “[I’ve] always been proud of my honesty and courage. Ginusto ko na maka lipad sana nang tahimik pero utang ko po sa mga nagdarasal na gumanda ang aking kalusugan, ang mag THANK YOU & to tell the TRUTH,” caption ng aktres sa post.
Una nang sinabi ni Kris na mayroon siyang tatlong confirmed autoimmune conditions, aniya, ito ay chronic spontaneous urticaria, autoimmune thyroiditis, at vasculitis. Aniya, ang huli ay nakita sa ikatlong skin biopsy ng pathologist sa Pilipinas at United States.
“My team of doctors here and abroad… are all worried about organ damage in my heart and in my lungs. Kaya lahat ng paraan, sinubukan for me to get to Houston soonest,” ani Kris.
“’Yung gamot that God willing can help save me doesn’t have FDA approval here or in Singapore & isasabay na po mag-infuse ng chemotherapy as my immunosuppressant. Why? Allergic po ako sa lahat ng steroids,” sabi niya.
Hiniling naman ni Kris sa publiko na itigil na sana ang pagpo-post sa kanyang socmed ng mga masasakit na salita o anumang batikos para na rin sa kanyang mga anak.
“Kung balak niyo pong mambastos or mag-comment ng masakit o masama, sa mga sarili niyo na lang pong IG, FB, or chat group sana gawin,” giit ni Kris. “Hindi niyo po ako kailangan gustuhin para magpakatao… Please don’t punish kuya [Josh] and Bimb for being my sons. Hindi po masama ang maglakas ng loob at magsabi ng sobrang bigat na katotohanan,” saad pa ni Kris.
Noon pa sanang nakaraang buwan nakaalis ng bansa si Kris para magpagamot subalit hindi siya nabigyan ng clearance ng kanyang doktor.
Comentarios